17. At sinabi niya sa kaniya, Kung ngayo'y nakasumpong ako ng biyaya sa iyong paningin, ay bigyan mo nga ako ng isang tanda, na ikaw ang nakikipagusap sa akin.
18. Isinasamo ko sa iyo na huwag kang umalis dito, hanggang sa ako'y parito sa iyo, at ilabas ko ang aking handog, at ilapag ko sa harap mo. At kaniyang sinabi, Ako'y maghihintay hanggang sa ikaw ay bumalik.
19. At si Gedeon ay pumasok, at naglutong madali ng isang anak ng kambing, at ng isang efa ng harina, ng mga munting tinapay na walang lebadura: inilagay ang karne sa isang buslo, at kaniyang inilagay ang sabaw sa isang palyok, at inilabas sa kaniya sa ilalim ng encina, at inihain.
20. At sinabi ng anghel ng Dios sa kaniya, Kunin mo ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura at ipatong mo sa batong ito at ibuhos mo ang sabaw. At kaniyang ginawang gayon.
21. Nang magkagayo'y iniunat ng anghel ng Panginoon ang dulo ng tungkod, na nasa kaniyang kamay, at sinalang ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at napailanglang ang apoy sa bato, at pinugnaw ang karne at ang mga munting tinapay na walang lebadura; at ang anghel ng Panginoon ay nawala sa kaniyang paningin.
22. At nakita ni Gedeon na siya ang anghel ng Panginoon; at sinabi ni Gedeon, Aba, Oh Panginoon Dios! sapagka't aking nakita ang anghel ng Panginoon na mukhaan.
23. At sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kapayapaan ang sumaiyo; huwag kang matakot: hindi ka mamamatay.
24. Nang magkagayo'y nagtayo roon si Gedeon ng isang dambana sa Panginoon, at tinawag na Jehova-salom: hanggang sa araw na ito ay nasa sa Ophra pa ng mga Abiezerita.
25. At nangyari nang gabi ring yaon, na sinabi ng Panginoon sa kaniya, Kunin mo ang toro ng iyong ama, ang ikalawang toro na may pitong taong katandaan, at iwasak mo ang dambana ni Baal na tinatangkilik ng iyong ama, at putulin mo ang Asera na nasa siping niyaon.
26. At ipagtayo mo, sa isang paraang maayos ng isang dambana ang Panginoon mong Dios sa taluktok nitong matibay na dako; at kunin mo ang ikalawang toro, at maghandog ka ng isang handog na susunugin sangpu ng kahoy ng Asera na iyong puputulin.
27. Nang magkagayo'y kumuha si Gedeon ng sangpung lalake sa kaniyang mga bataan, at ginawa ang ayon sa sinalita ng Panginoon sa kaniya: at nangyari, na sapagka't siya'y natakot sa sangbahayan ng kaniyang ama at sa mga lalake sa bayan, kaya't hindi niya nagawa sa araw ay kaniyang ginawa sa gabi.
28. At nang bumangong maaga ang mga lalake sa bayan ng kinaumagahan narito, ang dambana ni Baal ay wasak, at ang Asera na nasa siping niyaon ay putol, at ang ikalawang toro ay inihandog sa dambana na itinayo.
29. At sila'y nangagsalitaan, Sino ang gumawa ng bagay na ito? At nang kanilang usisain at itanong ay kanilang sinabi, Ginawa ni Gedeon na anak ni Joas ang bagay na ito.
30. Nang magkagayo'y sinabi kay Joas ng mga lalake sa bayan, Ilabas mo ang iyong anak upang siya'y mamatay: sapagka't kaniyang iniwasak ang dambana ni Baal, at sapagka't kaniyang pinutol ang Asera na nasa siping niyaon.
31. At sinabi ni Joas sa lahat na nakatayong laban sa kaniya, Ipagsasanggalang ba ninyo si Baal? o ililigtas ba ninyo siya? yaong magsasanggalang sa kaniya ay papatayin samantalang umaga pa; kung siya'y dios ay magsanggalang siya sa kaniyang sarili, sapagka't may nagwasak ng kaniyang dambana.