17. Ang Galaad ay tumahan sa dako roon ng Jordan: At ang Dan, bakit siya'y natira sa mga sasakyan sa tubig? Ang Aser ay nanatili sa mga baybayin ng dagat, At nanahan sa kaniyang mga daong.
18. Ang Zabulon ay isang bayan na isinapanganib ang kanilang buhay sa ikamamatay, At ang Nephtali, ay sa matataas na dako ng bukiran.
19. Ang mga hari ay nagsiparito at nagsilaban; Nang magkagayo'y nagsilaban ang mga hari ng Canaan, Sa Taanach na nasa tabi ng tubig sa Megiddo: Sila'y hindi nagdala ng mga pakinabang na salapi.
20. Ang mga bituin ay nakipaglaban mula sa langit, Sa kanilang paglakad sila'y nakipaglaban kay Sisara.
21. Tinangay sila ng ilog Cison, Ng matandang ilog na yaon, ng ilog Cison. Oh kaluluwa ko, lumakad kang may lakas.
22. Nang magkagayo'y nagsiyabag ang mga kuko ng mga kabayo, Dahil sa mga pagdamba, sa pagdamba ng kanilang mga malakas.
23. Sumpain ninyo si Meroz, sabi ng anghel ng Panginoon, Sumpain ninyo ng kapaitpaitan ang mga tagaroon sa kaniya; Sapagka't sila'y hindi naparoon na tumulong sa Panginoon, Na tumulong sa Panginoon, laban sa mga makapangyarihan.
24. Pagpalain sa lahat ng babae si Jael, Ang asawa ni Heber na Cineo, Pagpalain siya sa lahat ng babae sa tolda.
25. Siya'y humingi ng tubig, at binigyan niya ng gatas; Kaniyang binigyan siya ng mantekilya sa pinggang mahal.
26. Kaniyang hinawakan ng kaniyang kamay ang tulos, At ng kaniyang kanang kamay ang pamukpok ng mga manggagawa; At sa pamamagitan ng pamukpok ay kaniyang sinaktan si Sisara, pinalagpasan niya sa kaniyang ulo, Oo, kaniyang tinarakan at pinalagpasan ang kaniyang pilipisan.
27. Sa kaniyang paanan ay nasubasob, siya'y nabuwal, siya'y nalugmok: Sa kaniyang paanan siya'y nasubasob, siya'y nabuwal. Kung saan siya sumubasob, doon siya nalugmok na patay.
28. Sa dungawan ay sumungaw, at sumigaw; Ang ina ni Sisara ay humiyaw mula sa mga silahia: Bakit kaya ang kaniyang karo ay nagluluwat ng pagdating? Bakit kaya bumabagal ang mga gulong ng kaniyang mga karo?