Mga Hukom 20:37-48 Ang Biblia (TLAB)

37. At nangagmadali ang mga bakay at nagsidaluhong sa Gabaa, at nangagpatuloy ang mga bakay, at sinugatan ang buong bayan ng talim ng tabak.

38. Nagkaroon nga ng palatandaan ang mga anak ng Israel at ang mga bakay, na sila'y gagawa ng alapaap na usok na pauusukin mula sa bayan.

39. At nang ang mga lalake ng Israel ay nagsipihit mula sa pagbabaka, at pinasimulang sinaktan at pinatay ng Benjamin ang mga lalake ng Israel na may tatlong pung lalake: sapagka't kanilang sinabi, Walang pagsalang sila'y nasaktan sa harap natin gaya ng unang pagbabaka.

40. Nguni't nang ang alapaap ay magpasimulang umilanglang mula sa bayan, sa isang haliging usok, ang mga Benjaminita ay lumingon sa likuran, at, narito, ang apoy ng buong bayan ay napaiilanglang sa langit.

41. At nangagbalik ang mga lalake ng Israel, at ang mga lalake ng Benjamin ay nangabalisa: sapagka't kanilang nakita na ang kasamaan ay dumating sa kanila.

42. Kaya't kanilang itinalikod ang kanilang likod sa harap ng mga lalake ng Israel, na nangagsitungo sa ilang; nguni't hinabol silang mainam ng pakikibaka; at yaong nangagsilabas sa mga bayan, ay nagsilipol sa kanila sa gitna ng ilang.

43. Kanilang kinubkob ang mga Benjamita sa palibot, at kanilang hinabol, at kanilang inabutan sa pahingahang dako hanggang sa tapat ng Gabaa, sa dakong sinisikatan ng araw.

44. At nabuwal sa Benjamin, ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.

45. At sila'y nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato sa Rimmon. At hinabol nila sa mga lansangan ang limang libong lalake; at hinabol silang mainam hanggang sa Gidom, at pumatay sa kanila ng dalawang libong lalake.

46. Na ano pa't lahat na nabuwal nang araw na yaon sa Benjamin ay dalawang pu't limang libong lalake na humawak ng tabak; lahat ng mga ito ay mga lalaking may tapang.

47. Nguni't anim na raang lalake ay nagsiliko at nagsitakas sa dakong ilang sa malaking bato ng Rimmon, at nagsitahan sa malaking bato ng Rimmon na apat na buwan.

48. At binalikan ng mga lalake ng Israel ang mga anak ni Benjamin, at sinugatan nila ng talim ng tabak, ang buong bayan, at gayon din ang kawan, at yaong lahat na kanilang nasumpungan: bukod dito'y yaong lahat ng mga bayan na kanilang nasumpungan ay kanilang sinilaban.

Mga Hukom 20