13. Ngayon nga'y ibigay ninyo ang mga lalake, ang mga hamak na tao, na nasa Gabaa, upang aming patayin sila, at alisin ang kasamaan sa Israel. Nguni't hindi dininig ng mga anak ni Benjamin ang tinig ng kanilang mga kapatid na mga anak ni Israel.
14. At nagpisan ang mga anak ni Benjamin sa mga bayang patungo sa Gabaa, upang lumabas na makibaka laban sa mga anak ni Israel.
15. At ang mga anak ni Benjamin ay binilang nang araw na yaon sa mga bayan, na dalawang pu't anim na libong lalake na humahawak ng tabak, bukod pa ang mga tumatahan sa Gabaa na binilang, na pitong daang piling lalake.
16. Sa kabuoan ng bayang ito ay may pitong daang piling lalake na kaliwete: na bawa't isa'y nakapagpapahilagpos ng pagpapatama ng bato sa isang buhok, at hindi sumasala.
17. At binilang ang mga lalake sa Israel, bukod pa ang sa Benjamin, ay apat na raang libong lalake na humahawak ng tabak: lahat ng mga ito ay mga lalaking mangdidigma.
18. At bumangon ang mga anak ni Israel, at nagsiahon sa Beth-el upang sumangguni sa Dios; at kanilang sinabi, Sino ang unang aahon sa amin upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin? At sinabi ng Panginoon, Ang Juda ang unang aahon.
19. At nagsibangon ang mga anak ni Israel sa kinaumagahan, at humantong laban sa Gabaa.
20. At lumabas ang mga lalake ng Israel upang makibaka laban sa Benjamin; at humanay ang mga lalake ng Israel sa Gabaa, sa pakikibaka laban sa kanila.
21. At lumabas ang mga anak ni Benjamin sa Gabaa at ibinuwal sa lupa sa mga Israelita sa araw na yaon ay dalawang pu't dalawang libong lalake.
22. At ang bayan, ang mga lalake ng Israel, ay nagpakatapang, at humanay uli sa pakikibaka sa dakong kanilang hinanayan nang unang araw.
23. At nagsiahon ang mga anak ni Israel, at nagsiiyak sa harap ng Panginoon hanggang sa kinahapunan; at sila'y sumangguni sa Panginoon, na sinasabi, Lalapit ba uli ako upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid? At sinabi ng Panginoon. Umahon ka laban sa kanila.
24. At lumapit uli ang mga anak ni Israel laban sa mga anak ni Benjamin nang ikalawang araw.
25. At lumabas ang sa Benjamin sa Gabaa laban sa kanila nang ikalawang araw, at nabuwal uli sa lupa sa mga anak ni Israel ay labing walong libong lalake; lahat ng mga ito ay humahawak ng tabak.
26. Nang magkagayo'y nagsiahon ang lahat ng mga anak ni Israel, at ang buong bayan, at nagsiparoon sa Bethel, at nagsiiyak, at nagsiupo roon sa harap ng Panginoon, at nagsipagayuno nang araw na yaon hanggang sa kinahapunan; at sila'y naghandog ng mga handog na susunugin at ng mga handog tungkol sa kapayapaan sa harap ng Panginoon.
27. At itinanong ng mga anak ni Israel sa Panginoon (sapagka't ang kaban ng tipan ng Dios ay nandoon nang mga araw na yaon,
28. At si Phinees, na anak ni Eleazar, na anak ni Aaron, ay tumayo sa harap niyaon nang mga araw na yaon,) na sinasabi, Lalabas ba ako uli upang makibaka laban sa mga anak ni Benjamin na aking kapatid, o magtitigil ako? At sinabi ng Panginoon, Umahon ka; sapagka't bukas ay ibibigay ko siya sa iyong kamay.
29. At bumakay ang Israel laban sa Gabaa, sa buong palibot.