23. At lumabas sa kanila ang lalake, ang may-ari ng bahay, at sinabi sa kanila, Huwag, mga kapatid ko, isinasamo ko sa inyong huwag kayong gumawa ng ganiyang kasamaan; yamang ang lalaking ito'y pumasok sa aking bahay, ay huwag ninyong gawin ang kaululang ito.
24. Narito, nandito ang aking anak na dalaga, at ang kaniyang babae; akin silang ilalabas ngayon, at pangayupapain ninyo sila, at gawin ninyo sa kanila ang magalingin ninyo sa kanila: nguni't sa lalaking ito ay huwag kayong gumawa ng anomang masama.
25. Nguni't hindi siya dininig ng mga lalake: sa gayo'y hinawakan ng lalake ang kaniyang babae at inilabas sa kanila: at sinipingan nila siya, at hinalay buong gabi hanggang sa kinaumagahan; at nang magbukang liwayway, ay pinayaon nila siya.
26. Nang magkagayo'y dumating ang babae, pagbubukang liwayway, at nabuwal sa pintuan ng bahay ng lalake, na kinaroroonan ng kaniyang panginoon, hanggang sa lumiwanag.
27. At bumangon ang kaniyang panginoon ng kinaumagahan, at ibinukas ang mga pinto ng bahay, at lumabas na nagpatuloy ng kaniyang lakad: at, narito, ang babae na kaniyang kinakasama ay nakabuwal sa pintuan ng bahay, na ang kaniyang mga kamay ay nasa tayuan.
28. At sinabi niya sa kaniya, Bumangon ka, at tayo na; nguni't walang sumagot: nang magkagayo'y kaniyang isinakay sa asno; at ang lalake ay bumangon, at napasa kaniyang dako.
29. At nang siya'y pumasok sa kaniyang bahay, ay kumuha siya ng isang sundang, at itinaga sa kaniyang babae, at pinagputolputol siya ayon sa kaniyang buto, ng labing dalawang putol; at ipinadala siya sa lahat ng hangganan ng Israel.