1. At nangyari nang mga araw na yaon, nang walang hari sa Israel, na may isang Levita na nakikipamayan sa malayong dako ng lupaing maburol ng Ephraim, na kumuha ng babae mula sa Bethlehem-juda.
2. At ang kaniyang babae ay nagpatutot at iniwan siya na napasa bahay ng kaniyang ama sa Bethlehem-juda, at dumoon sa loob ng apat na buwan.
3. At ang kaniyang asawa ay yumaon at sumunod sa kaniya, upang makiusap na maigi sa kaniya, na ibalik siya, na kasama ang kaniyang bataan, at dalawang magkatuwang na asno: at ipinasok siya ng babae sa bahay ng kaniyang ama: at nang makita siya ng ama ng babae, ay galak na sinalubong siya.
4. At pinigil siya ng kaniyang biyanan, ng ama ng babae; at siya'y tumahang kasama niya na tatlong araw: sa gayo'y sila'y nagkainan at naginuman, at tumuloy roon.
5. At nangyari nang ikaapat na araw, na sila'y bumangong maaga ng kinaumagahan, at siya'y bumangon upang yumaon: at sinabi ng ama ng babae sa kaniyang manugang, Palakasin mo muna ang iyong puso ng isang subong tinapay, at pagkatapos ay ipagpatuloy ninyo ang inyong lakad.