7. Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalake at dumating sa Lais, at nakita ang bayan na naroon, kung paanong sila'y tumatahan sa katiwasayan, na gaya ng mga Sidonio, na tahimik at tiwasay: sapagka't wala sa lupain na nagaaring may kapangyarihan na makapagbibigay kahihiyan sa alin mang bagay, at malayo sa mga Sidonio, at walang pagkikipagkasundo sa kaninoman.
8. At sila'y naparoon sa kanilang mga kapatid sa Sora at Esthaol: at sinabi ng kanilang mga kapatid sa kanila, Ano kayo?
9. At kanilang sinabi, Kayo'y bumangon at tayo'y umahon laban sa kanila: sapagka't aming nakita ang lupain, at, narito, napakabuti: at natatamad ba kayo? huwag kayong magmakupad na yumaon at pumasok upang ariin ang lupain.
10. Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang tiwasay, at ang lupain ay malaki: sapagka't ibinigay ng Dios sa inyong kamay, isang dakong walang kakailanganing anomang bagay na nasa lupa.
11. At umalis mula roon ang ilan sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Esthaol, na anim na raang lalake na may sandata ng mga kasakbatan na pangdigma.
12. At sila'y yumaon, at humantong sa Chiriath-jearim, sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Mahane-dan hanggang sa araw na ito: narito, ito'y nasa likod ng Chiriath-jearim.
13. At sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at naparoon sa bahay ni Michas.
14. Nang magkagayo'y sumagot ang limang lalake na tumiktik ng lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, Nalalaman ba ninyo na mayroon sa mga bahay na ito na isang epod, at mga terap, at isang larawang inanyuan, at isang larawang binubo? ngayon nga'y akalain ninyo ang marapat ninyong gawin.
15. At sila'y lumiko roon, at naparoon sa bahay ng binatang Levita, sa makatuwid baga'y hanggang sa bahay ni Michas, at tinanong nila siya ng kaniyang kalagayan.
16. At ang anim na raang lalake na may sandata ng kanilang mga kasakbatan na pangdigma, na pawang mga anak ni Dan, ay nagsitayo sa pasukan ng pintuang-bayan.