Mga Hukom 18:18-28 Ang Biblia (TLAB)

18. At nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Michas, at makuha ang larawang inanyuan, ang epod, at ang mga terap, at ang larawang binubo, ay sinabi ng saserdote sa kanila, Ano ang inyong gagawin?

19. At sinabi nila sa kaniya, Pumayapa ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig at sumama ka sa amin, at maging ama at saserdote ka namin: magaling ba kaya sa iyo ang maging saserdote sa bahay ng isang lalake o maging saserdote sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?

20. At natuwa ang puso ng saserdote, at kaniyang kinuha ang epod, at ang mga terap, at ang larawang inanyuan, at yumaon sa gitna ng bayan.

21. Sa gayo'y bumalik sila, at yumaon, at inilagay ang mga bata at ang kawan, at ang mga daladalahan, sa unahan nila.

22. Nang sila'y malayo na sa bahay ni Michas, ang mga lalaking nasa mga bahay na kalapit ng bahay ni Michas ay nagpipisan at inabot ang mga anak ni Dan.

23. At kaniyang sinigawan ang mga anak ni Dan. At inilingon nila ang kanilang mga mukha, at sinabi kay Michas, Anong mayroon ka, na ikaw ay nagpisan ng ganyang pulutong?

24. At kaniyang sinabi, Inyong kinuha ang aking mga dios na aking ginawa, at ang saserdote, at kayo'y yumaon, at ano pang mayroon ako? at bakit nga sasabihin ninyo sa akin, Anong mayroon ka?

25. At sinabi ng mga anak ni Dan sa kaniya, Huwag ng marinig ang iyong tinig, baka daluhungin ka ng mga mapusok na kasama, at iyong iwala ang iyong buhay, pati ng buhay ng iyong sangbahayan.

26. At ipinagpatuloy ng mga anak ni Dan ang kanilang lakad: at nang makita ni Michas na sila'y totoong malakas kay sa kaniya, ay bumalik at umuwi sa kaniyang bahay.

27. At kanilang kinuha ang ginawa ni Michas, at ang saserdote na kaniyang tinatangkilik, at naparoon sa Lais, sa bayang tahimik at tiwasay, at sinaktan nila ng talim ng tabak: at sinunog nila ang bayan.

28. At walang magligtas, sapagka't malayo sa Sidon, at sila'y walang pakikipagkasundo sa kanino man, at nasa libis na lumalaganap sa dakong Bethrehob. At kanilang itinayo ang bayan, at tinahanan nila.

Mga Hukom 18