Mga Hukom 18:1-19 Ang Biblia (TLAB)

1. Nang mga araw na yaon ay walang hari sa Israel: at nang panahong yaon ay humahanap ang lipi ng mga Danita, ng isang mana na matatahanan; sapagka't hanggang sa araw na yaon, ay hindi nahuhulog sa mga lipi ng Israel ang kanilang mana.

2. At ang mga anak ni Dan ay nagsugo ng limang lalake ng kanilang angkan, sa kanilang kabuoang bilang, ng mga lalaking may tapang, na mula sa Sora, at sa Esthaol, upang tiktikan ang lupain, at kilalanin; at sinabi nila sa kanila, Kayo'y yumaon, at inyong kilalanin ang lupain. At sila'y naparoon sa lupaing maburol ng Ephraim, sa bahay ni Michas, at tumuloy roon.

3. Nang sila'y malapit sa bahay ni Michas, ay nakilala nila ang tinig ng binatang Levita: at sila'y lumiko roon, at sinabi nila sa kaniya, Sinong nagdala sa iyo rito? at ano ang iyong ginagawa sa dakong ito? at anong mayroon ka rito?

4. At sinabi niya sa kanila, Ganito't ganito ang ginawa sa akin ni Michas, at kaniyang kinayaring upahan ako, at ako'y naging kaniyang saserdote.

5. At sinabi nila sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na usisain mo sa Dios, upang aming maalaman, kung ang aming lakad ay papalarin.

6. At sinabi ng saserdote sa kanila, Yumaon kayong payapa: nasa harap ng Panginoon ang daang inyong nilalakaran.

7. Nang magkagayo'y lumakad ang limang lalake at dumating sa Lais, at nakita ang bayan na naroon, kung paanong sila'y tumatahan sa katiwasayan, na gaya ng mga Sidonio, na tahimik at tiwasay: sapagka't wala sa lupain na nagaaring may kapangyarihan na makapagbibigay kahihiyan sa alin mang bagay, at malayo sa mga Sidonio, at walang pagkikipagkasundo sa kaninoman.

8. At sila'y naparoon sa kanilang mga kapatid sa Sora at Esthaol: at sinabi ng kanilang mga kapatid sa kanila, Ano kayo?

9. At kanilang sinabi, Kayo'y bumangon at tayo'y umahon laban sa kanila: sapagka't aming nakita ang lupain, at, narito, napakabuti: at natatamad ba kayo? huwag kayong magmakupad na yumaon at pumasok upang ariin ang lupain.

10. Paglakad ninyo'y darating kayo sa isang bayang tiwasay, at ang lupain ay malaki: sapagka't ibinigay ng Dios sa inyong kamay, isang dakong walang kakailanganing anomang bagay na nasa lupa.

11. At umalis mula roon ang ilan sa angkan ng mga Danita, mula sa Sora at sa Esthaol, na anim na raang lalake na may sandata ng mga kasakbatan na pangdigma.

12. At sila'y yumaon, at humantong sa Chiriath-jearim, sa Juda; kaya't kanilang tinawag ang dakong yaon na Mahane-dan hanggang sa araw na ito: narito, ito'y nasa likod ng Chiriath-jearim.

13. At sila'y nagdaan doon hanggang sa lupaing maburol ng Ephraim, at naparoon sa bahay ni Michas.

14. Nang magkagayo'y sumagot ang limang lalake na tumiktik ng lupain ng Lais, at sinabi sa kanilang mga kapatid, Nalalaman ba ninyo na mayroon sa mga bahay na ito na isang epod, at mga terap, at isang larawang inanyuan, at isang larawang binubo? ngayon nga'y akalain ninyo ang marapat ninyong gawin.

15. At sila'y lumiko roon, at naparoon sa bahay ng binatang Levita, sa makatuwid baga'y hanggang sa bahay ni Michas, at tinanong nila siya ng kaniyang kalagayan.

16. At ang anim na raang lalake na may sandata ng kanilang mga kasakbatan na pangdigma, na pawang mga anak ni Dan, ay nagsitayo sa pasukan ng pintuang-bayan.

17. At ang limang lalake na yumaong tumiktik ng lupain ay nagsiahon at pumasok doon, at kinuha ang larawang inanyuan, at ang epod, at ang mga terap, at ang larawang binubo, at ang saserdote ay nakatayo sa pasukan ng pintuang-bayan na kasama ng anim na raang lalake na may sandata ng kanilang mga kasakbatang pangdigma.

18. At nang pumasok ang mga ito sa bahay ni Michas, at makuha ang larawang inanyuan, ang epod, at ang mga terap, at ang larawang binubo, ay sinabi ng saserdote sa kanila, Ano ang inyong gagawin?

19. At sinabi nila sa kaniya, Pumayapa ka, itakip mo ang iyong kamay sa iyong bibig at sumama ka sa amin, at maging ama at saserdote ka namin: magaling ba kaya sa iyo ang maging saserdote sa bahay ng isang lalake o maging saserdote sa isang lipi at sa isang angkan sa Israel?

Mga Hukom 18