Mga Hukom 16:16-30 Ang Biblia (TLAB)

16. At nangyari, nang kaniyang igiit araw araw, at kaniyang ipilit sa kaniya, na ang kaniyang loob ay naligalig sa ikamamatay.

17. At isinaysay niya sa kaniya ang kaniyang buong taglayin sa kaniyang puso, at sinabi sa kaniya, Walang pangahit na nagdaan sa aking ulo; sapagka't ako'y naging Nazareo sa Dios mula sa tiyan ng aking ina: kung ako'y ahitan, hihiwalay nga sa akin ang aking lakas, at ako'y hihina, at magiging gaya ng alinmang tao.

18. At nang makita ni Dalila na sinaysay sa kaniya, ang buong taglayin niya sa kaniyang puso, ay nagsugo siya at tinawag ang mga pangulo ng mga Filisteo, na sinasabi, Ahunin pa ninyong minsan, sapagka't sinaysay niya sa akin ang buong taglayin niya sa kaniyang puso. Nang magkagayo'y inahon siya ng mga pangulo ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi sa kanilang kamay.

19. At pinatulog niya siya sa kaniyang mga tuhod; at nagpatawag siya ng isang lalake, at inahit ang pitong tirintas sa kaniyang ulo; at pinasimulan niyang pighatiin siya, at ang kaniyang lakas ay nawala.

20. At sinabi niya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at sinabi, Ako'y lalabas na gaya ng dati, at ako'y magpupumiglas. Nguni't hindi niya talos na ang Panginoo'y humiwalay sa kaniya.

21. At hinuli ng mga Filisteo, at dinukit ang kaniyang mga mata; at inilusong nila sa Gaza, at tinalian siya ng mga pangaw na tanso; at siya'y gumiling sa bilangguan.

22. Gayon ma'y nagpasimulang tumubo uli ang buhok ng kaniyang ulo, pagkatapos na siya'y maahitan.

23. At nagpipisan ang mga pangulo ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang hain kay Dagon na kanilang dios, at mangagalak: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios si Samson na ating kaaway sa ating kamay.

24. At nang makita siya ng bayan, ay kanilang pinuri ang kanilang dios: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios sa ating kamay ang ating kaaway, at ang mangwawasak sa ating lupain, na pumatay sa marami sa atin.

25. At nangyari, nang masayahan ang kanilang puso, na kanilang sinabi, Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan. At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. At kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi:

26. At sinabi ni Samson sa bata na umaakay sa kaniya sa kamay, Ipahipo mo sa akin ang mga haliging pumipigil ng bahay, upang aking mangahiligan.

27. Ang bahay nga ay puno ng mga lalake at babae, at ang lahat ng mga pangulo ng mga Filisteo ay nandoon; at sa bubungan ay may tatlong libong lalake at babae, na nanonood samantalang pinaglalaruan si Samson.

28. At tumawag si Samson sa Panginoon, at sinabi, Oh Panginoong Dios, idinadalangin ko sa iyo na alalahanin mo ako, at idinadalangin ko sa iyong palakasin mo ako, na minsan na lamang, Oh Dios, upang maiganti kong paminsan sa mga Filisteo ang aking dalawang mata.

29. At si Samson ay pumigil sa dalawang gitnang haligi na pumipigil ng bahay, at isinuhay sa mga yaon, ang isa sa kaniyang kanang kamay, at ang isa'y sa kaniyang kaliwa.

30. At sinabi ni Samson, Mamatay nawa akong kasama ng mga Filisteo, At iniubos niya ang kaniyang buong lakas; at ang bahay ay bumagsak sa mga pangulo, at sa buong bayan na nandoon sa loob. Sa gayo'y ang nangamatay na kaniyang pinatay sa kaniyang kamatayan ay higit kay sa pinatay niya sa kaniyang kabuhayan.

Mga Hukom 16