Mga Hukom 16:14-26 Ang Biblia (TLAB)

14. At kaniyang pinagtibay ng tulos, at sinabi sa kaniya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at binunot ang tulos ng panghabi, at ang hinabi.

15. At sinabi niya sa kaniya, Bakit nasasabi mo, na iniibig kita, sa bagay ang iyong puso ay hindi sumasaakin? pinaglaruan mo akong makaitlo, at hindi mo isinaysay sa akin kung saan nagpapahinga ang iyong dakilang kalakasan.

16. At nangyari, nang kaniyang igiit araw araw, at kaniyang ipilit sa kaniya, na ang kaniyang loob ay naligalig sa ikamamatay.

17. At isinaysay niya sa kaniya ang kaniyang buong taglayin sa kaniyang puso, at sinabi sa kaniya, Walang pangahit na nagdaan sa aking ulo; sapagka't ako'y naging Nazareo sa Dios mula sa tiyan ng aking ina: kung ako'y ahitan, hihiwalay nga sa akin ang aking lakas, at ako'y hihina, at magiging gaya ng alinmang tao.

18. At nang makita ni Dalila na sinaysay sa kaniya, ang buong taglayin niya sa kaniyang puso, ay nagsugo siya at tinawag ang mga pangulo ng mga Filisteo, na sinasabi, Ahunin pa ninyong minsan, sapagka't sinaysay niya sa akin ang buong taglayin niya sa kaniyang puso. Nang magkagayo'y inahon siya ng mga pangulo ng mga Filisteo, at nagdala ng salapi sa kanilang kamay.

19. At pinatulog niya siya sa kaniyang mga tuhod; at nagpatawag siya ng isang lalake, at inahit ang pitong tirintas sa kaniyang ulo; at pinasimulan niyang pighatiin siya, at ang kaniyang lakas ay nawala.

20. At sinabi niya, Narito na sa iyo ang mga Filisteo, Samson. At siya'y gumising sa kaniyang pagkakatulog, at sinabi, Ako'y lalabas na gaya ng dati, at ako'y magpupumiglas. Nguni't hindi niya talos na ang Panginoo'y humiwalay sa kaniya.

21. At hinuli ng mga Filisteo, at dinukit ang kaniyang mga mata; at inilusong nila sa Gaza, at tinalian siya ng mga pangaw na tanso; at siya'y gumiling sa bilangguan.

22. Gayon ma'y nagpasimulang tumubo uli ang buhok ng kaniyang ulo, pagkatapos na siya'y maahitan.

23. At nagpipisan ang mga pangulo ng mga Filisteo upang maghandog ng isang dakilang hain kay Dagon na kanilang dios, at mangagalak: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios si Samson na ating kaaway sa ating kamay.

24. At nang makita siya ng bayan, ay kanilang pinuri ang kanilang dios: sapagka't kanilang sinabi, Ibinigay ng ating dios sa ating kamay ang ating kaaway, at ang mangwawasak sa ating lupain, na pumatay sa marami sa atin.

25. At nangyari, nang masayahan ang kanilang puso, na kanilang sinabi, Tawagin si Samson, upang siya'y ating mapaglaruan. At tinawag nga si Samson mula sa bilangguan; at siya'y pinaglaruan nila. At kanilang inilagay sa pagitan ng mga haligi:

26. At sinabi ni Samson sa bata na umaakay sa kaniya sa kamay, Ipahipo mo sa akin ang mga haliging pumipigil ng bahay, upang aking mangahiligan.

Mga Hukom 16