10. At nagmadali ang babae, at tumakbo, at isinaysay sa kaniyang asawa, at sinabi sa kaniya, Narito, ang lalake ay napakita sa akin, yaong naparito sa akin ng ibang araw.
11. At bumangon si Manoa, at sumunod sa kaniyang asawa, at naparoon sa lalake, at sinabi sa kaniya, Ikaw ba ang lalake na nagsalita sa babaing ito? At kaniyang sinabi, Ako nga.
12. At sinabi ni Manoa, Mano nawa'y mangyari ang iyong mga salita: ano ang ipagpapagawa sa bata, at paanong aming gagawin sa kaniya?
13. At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, Sa lahat ng aking sinabi sa babae ay magingat siya.
14. Siya'y hindi makakakain ng anomang bagay na nanggagaling sa ubasan, ni uminom man lamang ng alak ni ng inuming nakalalasing, ni kumain man ng anomang maruming bagay; lahat ng iniutos ko sa kaniya ay sundin niya.
15. At sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, Isinasamo ko sa iyo na ikaw ay aming mapigil, upang maipagluto ka namin ng isang anak ng kambing.
16. At sinabi ng anghel ng Panginoon kay Manoa, Bagaman ako'y iyong pigilin, hindi ako kakain ng iyong pagkain: at kung ikaw ay maghahanda ng handog na susunugin, ay iyong nararapat ihandog sa Panginoon. Sapagka't hindi naalaman ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.
17. At sinabi ni Manoa sa anghel ng Panginoon, Ano ang iyong pangalan, upang pangyayari ng iyong mga salita ay mabigyan ka namin ng karangalan?
18. At sinabi ng anghel ng Panginoon sa kaniya, Bakit mo itinatanong ang aking pangalan, dangang kagilagilalas?
19. Sa gayo'y kumuha si Manoa ng isang anak ng kambing pati ng handog na harina, at inihandog sa Panginoon sa ibabaw ng bato: at gumawa ng kamanghamangha ang anghel, at minasdan ni Manoa at ng kaniyang asawa.
20. Sapagka't nangyari, nang umilanglang sa langit ang alab mula sa dambana, na ang anghel ng Panginoon ay napailanglang sa alab ng dambana: at minasdan ni Manoa at ng kaniyang asawa; at sila'y nangapasubasob sa lupa.
21. Nguni't hindi na napakita ang anghel ng Panginoon kay Manoa o sa kaniyang asawa. Nang magkagayo'y naalaman ni Manoa na siya'y anghel ng Panginoon.
22. At sinabi ni Manoa sa kaniyang asawa, Walang pagsalang tayo'y mamamatay, sapagka't ating nakita ang Dios.