8. At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Kaya't kami ay bumabalik sa iyo ngayon, upang ikaw ay makasama namin, at makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ikaw ay magiging pangulo naming lahat na taga Galaad.
9. At sinabi ni Jephte sa mga matanda sa Galaad, Kung pauuwiin ninyo ako upang makipaglaban sa mga anak ni Ammon, at ibigay ng Panginoon sila sa harap ko, magiging pangulo ba ninyo ako?
10. At sinabi ng mga matanda sa Galaad kay Jephte, Ang Panginoon ang maging saksi natin: tunay na ayon sa iyong salita ay siya naming gagawin.
11. Nang magkagayo'y si Jephte ay yumaong kasama ng mga matanda sa Galaad, at ginawa nila siyang pangulo at pinuno: at sinalita ni Jephte sa Mizpa ang lahat ng kaniyang salita sa harap ng Panginoon.
12. At nagsugo si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon, na nagsasabi, Anong ipinakikialam mo sa akin, na ikaw ay naparito sa akin upang lumaban sa aking lupain?
13. At isinagot ng hari ng mga anak ni Ammon sa mga sugo ni Jephte, Sapagka't sinakop ng Israel ang aking lupain, nang siya'y umahong galing sa Egipto, mula sa Arnon hanggang sa Jaboc, at hanggang sa Jordan: kaya't ngayo'y ibalik mo ng payapa ang mga lupaing yaon.
14. At nagsugo uli si Jephte ng mga sugo sa hari ng mga anak ni Ammon:
15. At kaniyang sinabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Jephte, Hindi sumakop ang Israel ng lupain ng Moab, o ng lupain ng mga anak ni Ammon;
16. Kundi nang sila'y umahon mula sa Egipto, at ang Israel ay naglakad sa ilang hanggang sa Dagat na Mapula, at napasa Cades:
17. Nagsugo nga ang Israel ng mga sugo sa hari sa Edom, na nagsasabi, Isinasamo ko sa iyong paraanin mo ako sa iyong lupain: nguni't hindi dininig ng hari sa Edom. At gayon din nagsugo siya sa hari sa Moab; nguni't ayaw siya: at ang Israel ay tumahan sa Cades:
18. Nang magkagayo'y naglakad sila sa ilang, at lumiko sa lupain ng Edom, at sa lupain ng Moab, at napasa dakong silanganan ng lupain ng Moab, at sila'y humantong sa kabilang dako ng Arnon; nguni't hindi sila pumasok sa hangganan ng Moab, sapagka't ang Arnon ay siyang hangganan ng Moab.
19. At nagsugo ang Israel ng mga sugo kay Sehon na hari ng mga Amorrheo, na hari sa Hesbon; at sinabi ng Israel sa kaniya, Isinasamo namin sa iyo na paraanin mo kami sa iyong lupain hanggang sa aking dako.