Mga Hebreo 11:22-34 Ang Biblia (TLAB)

22. Sa pananampalataya, nang malapit nang mamatay si Jose, ay binanggit niya ang pagalis sa Egipto ng mga anak ni Israel; at nagutos tungkol sa kaniyang mga buto.

23. Sa pananampalataya, nang ipanganak si Moises, ay itinagong tatlong buwan ng kaniyang mga magulang, sapagka't kanilang nakitang maganda ang bata; at hindi sila natakot sa utos ng hari.

24. Sa pananampalataya, nang lumaki na si Moises, ay tumangging siya'y tawaging anak ng anak na babae ni Faraon;

25. Na pinili pa ang siya'y tampalasanin na kasama ng bayan ng Dios, kay sa magtamo ng nagsisikupas na kaligayahan sa pagkakasala;

26. Na inaring malaking kayamanan ang kadustaan ni Cristo, kay sa mga kayamanan ng Egipto: sapagka't ang kaniyang tinititigan ay ang gantingpalang kabayaran.

27. Sa pananampalataya'y iniwan niya ang Egipto, na hindi natakot sa poot ng hari: sapagka't nagtitiyagang tulad sa nakakita niyaong di nakikita.

28. Sa pananampalataya'y itinatag niya ang paskua, at ang pagwiwisik ng dugo, upang ang manglilipol sa mga panganay ay huwag silang lipulin.

29. Sa pananampalataya'y nagsipagdaan sila sa gitna ng Dagat na Mapula na gaya ng sa lupang tuyo: na nang subuking gawin ito ng mga taga Egipto ay pawang nangalunod.

30. Sa pananampalataya'y nangalagpak ang mga kuta ng Jerico, pagkatapos na makubkob na pitong araw.

31. Sa pananampalataya'y hindi napahamak na kasama ng mga manunuway, ang patutot na si Rahab, na tumanggap na payapa sa mga tiktik.

32. At ano pa ang aking sasabihin? sapagka't kukulangin ako ng panahon kung sasaysayin ko ang tungkol kay Gideon, kay Barac, kay Samson, kay Jefte; tungkol kay David, at kay Samuel at sa mga propeta:

33. Na ang mga ito, sa pamamagitan ng pananampalataya'y nagsilupig ng mga kaharian, nagsigawa ng katuwiran, nangagtamo ng mga pangako, nangagtikom ng mga bibig ng mga leon,

34. Nagsipatay ng bisa ng apoy, nangakatanan sa talim ng tabak, nagsilakas sa kahinaan, naging mga makapangyarihan sa pakikipagbaka, nangagpaurong ng mga hukbong taga ibang lupa.

Mga Hebreo 11