Mga Gawa 9:15-33 Ang Biblia (TLAB)

15. Datapuwa't sinabi sa kaniya ng Panginoon, Pumaroon ka: sapagka't siya'y sisidlang hirang sa akin, upang dalhin ang aking pangalan sa harapan ng mga Gentil at ng mga hari, at ng mga anak ni Israel:

16. Sapagka't sa kaniya'y aking ipakikilala kung gaano karaming mga bagay ang dapat niyang tiisin dahil sa aking pangalan.

17. At umalis si Ananias at pumasok sa bahay; at ipinatong ang kaniyang mga kamay sa kaniya na sinabi, Kapatid na Saulo, ang Panginoon, sa makatuwid baga'y si Jesus, na sa iyo'y napakita sa daan na iyong pinanggalingan, ay nagsugo sa akin, upang tanggapin mo ang iyong paningin, at mapuspos ka ng Espiritu Santo.

18. At pagdaka'y nangalaglag mula sa kaniyang mga mata ang mga parang kaliskis, at tinanggap niya ang kaniyang paningin; at siya'y nagtindig at siya'y binautismuhan;

19. At siya'y kumain at lumakas. At siya'y nakisamang ilang araw sa mga alagad na nangasa Damasco.

20. At pagdaka'y kaniyang itinanyag sa mga sinagoga si Jesus, na siya ang Anak ng Dios.

21. At ang lahat ng sa kaniya'y nakarinig ay namangha, at nangagsabi, Hindi baga ito yaong sa Jerusalem ay lumipol sa mga nagsitawag sa pangalang ito? at sa ganitong nasa ay naparito siya, upang sila'y dalhing gapos sa harap ng mga pangulong saserdote.

22. Datapuwa't lalo nang lumakas ang loob ni Saulo, at nilito ang mga Judio na nangananahan sa Damasco, na pinatutunayan na ito ang Cristo.

23. At nang maganap ang maraming mga araw, ay nangagsanggunian ang mga Judio upang siya'y patayin:

24. Datapuwa't napagtalastas ni Saulo ang kanilang banta. At kanilang binantayan naman ang mga pintuang daan sa araw at gabi upang siya'y kanilang patayin:

25. Nguni't kinuha siya sa gabi ng kaniyang mga alagad, at siya'y ibinaba sa kuta na siya'y inihugos na nasa isang balaong.

26. At nang siya'y dumating sa Jerusalem, ay pinagsikapan niyang makipisan sa mga alagad: at silang lahat ay nangatakot sa kaniya, sa di paniniwala na siya'y alagad,

27. Datapuwa't kinuha siya ni Bernabe, at siya'y iniharap sa mga apostol, at sa kanila'y isinaysay kung paanong nakita niya sa daan ang Panginoon, at kinausap siya, at kung paanong siya'y nangaral sa Damasco na may katapangan sa pangalan ni Jesus.

28. At siya'y kasamasama nila, na pumapasok at lumalabas sa Jerusalem,

29. Na nangangaral na may katapangan sa pangalan ng Panginoon: at siya'y nagsalita at nakipagtuligsaan sa mga Greco-Judio; datapuwa't pinagpipilitan nilang siya'y mapatay.

30. At nang maalaman ito ng mga kapatid, ay inihatid nila siya sa Cesarea, at siya'y sinugo nila sa Tarso.

31. Sa gayo'y nagkaroon ng kapayapaan ang iglesia sa buong Judea at Galilea at Samaria palibhasa'y pinagtibay; at, sa paglakad na may takot sa Panginoon at may kaaliwan ng Espiritu Santo, ay nagsisidami.

32. At nangyari, na sa paglalakad ni Pedro sa lahat ng dako, siya'y naparoon naman sa mga banal na nangananahan sa Lidda.

33. At doo'y natagpuan niya ang isang lalake na nagngangalang Eneas, na walo nang taong sumasabanig; sapagka't siya'y lumpo.

Mga Gawa 9