1. At si Saulo ay sumangayon sa kaniyang pagkamatay. At nang araw na yao'y nangyari ang isang malaking paguusig laban sa iglesia na nasa Jerusalem; at silang lahat ay nagsipangalat sa lahat ng mga dako ng Judea at Samaria, maliban na sa mga apostol.
2. At inilibing si Esteban ng mga taong masipag sa kabanalan, at siya'y tinangisan ng di kawasa.
3. Datapuwa't pinuksa ni Saulo ang iglesia, na pinapasok ang bahay-bahay, at kinakaladkad ang mga lalake't mga babae, at sila'y ipinapasok sa bilangguan.
4. Ang mga nagsipangalat nga ay nagsipaglakbay, na ipinangangaral ang salita.
5. At bumaba si Felipe sa bayan ng Samaria, at ipinangaral sa kanila ang Cristo.
6. At ang mga karamiha'y nangagkakaisang nangakikinig sa mga bagay na sinasalita ni Felipe, pagkarinig nila, at pagkakita ng mga tanda na ginawa niya.
7. Sapagka't sa maraming may mga karumaldumal na espiritu, ay nangagsilabas sila, na nangagsisisigaw ng malakas na tinig: at maraming lumpo, at pilay, ang pinagaling.
8. At nagkaroon ng malaking kagalakan sa bayang yaon.
9. Datapuwa't may isang tao, na nagngangalang Simon, na nang unang panaho'y nanggagaway sa bayan, at pinahahanga ang mga tao sa Samaria, at nagsasabing siya'y isang dakila:
10. Na siyang pinakikinggan nilang lahat, buhat sa kaliitliitan hanggang sa kadakidakilaan, na sinasabi, Ang taong ito ang siyang kapangyarihan ng Dios na tinatawag na Dakila.
11. At siya'y pinakinggan nila, sapagka't mahabang panahong pinahahanga niya sila ng kaniyang mga panggagaway.