22. At tinuruan si Moises sa lahat ng karunungan ng mga Egipcio: at siya ay makapangyarihan sa kaniyang mga salita at mga gawa.
23. Datapuwa't nang siya'y magaapat na pung taong gulang na, ay tumugtog sa kaniyang puso na dalawin ang kaniyang mga kapatid na mga anak ni Israel.
24. At nang makita niya ang isa sa kanila na inaalipusta, ay kaniyang ipinagsanggalang siya, at ipinaghiganti ang pinipighati, at pinatay ang Egipcio:
25. At ang isip niya'y napagunawa ng kaniyang mga kapatid na ibinigay ng Dios sa kanila ang kaligtasan sa pamamagitan ng kamay niya: datapuwa't hindi nila napagunawa.
26. At nang kinabukasan ay napakita siya sa kanila samantalang sila'y nagaaway, at sila'y ibig sana niyang payapain, na sinasabi, mga Ginoo, kayo'y magkapatid; bakit kayo'y nagaalipustaan?
27. Datapuwa't itinulak siya ng umalipusta sa kaniyang kapuwa tao, na sinasabi, Sino ang naglagay sa iyo na puno at hukom sa amin?
28. Ibig mo bagang ako'y patayin mo, na gaya ng pagkapatay mo kahapon sa Egipcio?
29. At sa salitang ito'y tumakas si Moises, at nakipamayan sa lupain ng Midian, na doo'y nagkaanak siya ng dalawang lalake.
30. At nang maganap ang apat na pung taon, ay napakita sa kaniya ang isang anghel sa ilang ng bundok ng Sinai, sa ningas ng apoy sa isang mababang punong kahoy.
31. At nang makita ito ni Moises, ay nanggilalas sa tanawin; at nang siya'y lumapit upang pagmasdan, ay dumating ang isang tinig ng Panginoon,
32. Ako ang Dios ng iyong mga magulang, ang Dios ni Abraham, at ni Isaac, at ni Jacob. At si Moises ay nanginig at hindi nangahas tumingin.