19. Datapuwa't si Pedro at si Juan ay nagsisagot at nagsipagsabi sa kanila, Kung katuwiran sa paningin ng Dios na makinig muna sa inyo kay sa Dios, inyong hatulan:
20. Sapagka't hindi mangyayaring di namin salitain ang mga bagay na aming nangakita at nangarinig.
21. At sila, nang mapagbalaan na nila, ay pinakawalan, palibhasa'y hindi nangakasumpong ng anomang bagay upang sila'y kanilang mangaparusahan, dahil sa bayan; sapagka't niluluwalhati ng lahat ng mga tao ang Dios dahil sa bagay na ginawa.
22. Sapagka't may mahigit nang apat na pung taong gulang ang tao, na ginawan nitong himala ng pagpapagaling.
23. At nang sila'y mangapakawalan na, ay nagsiparoon sa kanilang mga kasamahan, at iniulat ang lahat ng sa kanila'y sinabi ng mga pangulong saserdote at ng matatanda.
24. At sila, nang kanilang marinig ito, ay nangagkaisang itaas nila ang kanilang tinig sa Dios, at nangagsabi, Oh Panginoon, ikaw na gumawa ng langit at ng lupa at ng dagat, at ng lahat ng nangasa mga yaon:
25. Na sa pamamagitan ng Espiritu Santo, sa pamamagitan ng bibig ng aming amang si David, na iyong lingkod, ay sinabi mo, Bakit nangagalit ang mga Gentil, At nagsipaghaka ang mga tao ng mga bagay na walang kabuluhan?
26. Nagsitayong handa ang mga hari sa lupa, At ang mga pinuno ay nangagpisanpisan, Laban sa Panginoon, at laban sa kaniyang Pinahiran.
27. Sapagka't sa katotohanan sa bayang ito'y laban sa iyong banal na Lingkod na si Jesus, na siya mong pinahiran, ang dalawa ni Herodes at ni Poncio Pilato, kasama ng mga Gentil at ng mga bayan ng Israel, ay nangagpisanpisan,
28. Upang gawin ang anomang naitakda na ng iyong kamay at ng iyong pasiya upang mangyari.
29. At ngayon, Panginoon, tingnan mo ang kanilang mga bala: at ipagkaloob mo sa iyong mga alipin na salitain ang iyong salita ng buong katapangan,
30. Samantalang iyong iniuunat ang iyong kamay upang magpagaling; at upang mangyari nawa ang mga tanda at mga kababalaghan sa pangalan ng iyong banal na si Jesus.
31. At nang sila'y makapanalangin na, ay nayanig ang dakong pinagkakatipunan nila; at nangapuspos silang lahat ng Espiritu Santo, at kanilang sinalita na may katapangan ang salita ng Dios.
32. At ang karamihan ng mga nagsisampalataya ay nangagkakaisa ang puso at kaluluwa: at sinoma'y walang nagsabing kaniyang sarili ang anoman sa mga bagay na kaniyang inaari: kundi lahat nilang pag-aari ay sa kalahatan.