Mga Gawa 28:5-21 Ang Biblia (TLAB)

5. Gayon ma'y ipinagpag niya ang hayop sa apoy, at siya'y hindi nasaktan.

6. Nguni't kanilang hinihintay na siya'y mamaga, o biglang mabuwal na patay: datapuwa't nang maluwat na silang makapaghintay, at makitang walang nangyari sa kaniyang anoman, ay nangagbago sila ng akala, at nangagsabing siya'y isang dios.

7. At sa mga kalapit ng dakong yao'y may mga lupain ang pangulo sa pulong yaon, na nagngangalang Publio; na tumanggap sa amin, at nagkupkop sa aming tatlong araw na may kagandahang-loob.

8. At nangyari, nararatay ang ama ni Publio na may-sakit na lagnat at iti: at pinasok siya ni Pablo, at nanalangin, at nang maipatong sa kaniya ang kaniyang mga kamay ay siya'y pinagaling.

9. At nang magawa na ito, ay nagsiparoon naman ang mga ibang maysakit sa pulo, at pawang pinagaling:

10. Kami nama'y kanilang pinarangalan ng maraming pagpaparangal; at nang magsilayag kami, ay kanilang inilulan sa daong ang mga bagay na kinakailangan namin.

11. At nang makaraan ang tatlong buwan ay nagsilayag kami sa isang daong Alejandria na tumigil ng tagginaw sa pulo, na ang sagisag ay Ang Magkapatid na Kambal.

12. At nang dumaong kami sa Siracusa, ay nagsitigil kami roong tatlong araw.

13. At mula doo'y nagsiligid kami, at nagsirating sa Regio: at pagkaraan ng isang araw ay humihip ang timugan, at nang ikalawang araw ay nagsirating kami sa Puteoli;

14. Na doo'y nakasumpong kami ng mga kapatid, at kami'y pinakiusapang matira sa kanilang pitong araw: at sa gayo'y nagsirating kami sa Roma.

15. At buhat doo'y pagkabalita ng mga kapatid, ay sinalubong kami sa Pamilihan ng Appio at sa Tatlong Bahay-Tuluyan; na nang sila'y makita ni Pablo, ay nagpasalamat sa Dios, at lumakas ang loob.

16. At nang mangakapasok kami sa Roma, si Pablo ay pinahintulutang mamahay na magisa na kasama ng kawal na sa kaniya'y nagbabantay.

17. At nangyari, na nang makaraan ang tatlong araw ay tinipon niya yaong mga pangulo sa mga Judio: at nang sila'y mangagkatipon na, ay sinabi niya sa kanila, Ako, mga kapatid, bagaman wala akong ginawang anoman laban sa bayan, o sa mga kaugalian ng ating mga magulang, ay ibinigay akong bilanggo buhat sa Jerusalem sa mga kamay ng mga taga Roma:

18. Na, nang ako'y kanilang masulit na, ay ibig sana nila akong palayain, sapagka't wala sa aking anomang kadahilanang marapat sa kamatayan.

19. Datapuwa't nang magsalita laban dito ang mga Judio, ay napilitan akong maghabol hanggang kay Cesar; hindi dahil sa mayroon akong anomang sukat na maisakdal laban sa aking bansa.

20. Sanhi sa dahilang ito tinawag ko kayo upang makipagkita at makipagusap sa akin: sapagka't dahil sa pagasa ng Israel ay nagagapos ako ng tanikalang ito.

21. At sinabi nila sa kaniya, Kami'y hindi nagsitanggap ng mga sulat na galing sa Judea tungkol sa iyo, ni naparito man ang sinomang kapatid na magbalita o magsalita ng anomang masama tungkol sa iyo.

Mga Gawa 28