13. Ay lumapit sa akin, at natatayo sa tabi ko ay nagsabi sa akin, Kapatid na Saulo, tanggapin mo ang iyong paningin. At nang oras ding yao'y tumingin ako sa kaniya.
14. At sinabi niya, Ang Dios ng ating mga magulang ay itinalaga ka upang mapagkilala mo ang kaniyang kalooban, at makita mo ang Banal, at marinig mo ang isang tinig mula sa kaniyang bibig.
15. Sapagka't magiging saksi ka niya sa lahat ng mga tao tungkol sa mga bagay na iyong nakita at narinig.
16. At ngayon bakit ka tumitigil? magtindig ka, at ikaw ay magbautismo, at hugasan mo ang iyong mga kasalanan, na tumatawag sa kaniyang pangalan.
17. At nangyari, na, nang ako'y makabalik na sa Jerusalem, at nang ako'y nananalangin sa templo ay nawalan ako ng diwa,
18. At siya'y nakita ko na nagsasabi sa akin, Magmadali ka, at umalis ka agad sa Jerusalem; sapagka't hindi nila tatanggapin sa iyo ang patotoo tungkol sa akin.
19. At aking sinabi, Panginoon, napagtatalastas nila na ako ang nagbilanggo at humampas sa bawa't sinagoga sa mga nagsisisampalataya sa iyo:
20. At nang ibubo ang dugo ni Estebang iyong saksi, ay ako nama'y nakatayo sa malapit, at sinasangayunan ko, at iningatan ko ang mga damit ng sa kaniya'y nagsipatay.
21. At sinabi niya sa akin, Yumaon ka: sapagka't susuguin kita sa malayo sa mga Gentil.
22. At kanilang pinakinggan siya hanggang sa salitang ito; at sila'y nangagtaas ng kanilang tinig, at nangagsabi, Alisin sa lupa ang isang gayong tao: sapagka't hindi marapat na siya'y mabuhay.
23. At samantalang sila'y nangagsisigawan, at ipinaghahagisan ang kanilang mga damit, at nangagsasabog ng alabok sa hangin,
24. Ay ipinagutos ng pangulong kapitan na siya'y ipasok sa kuta, na ipinaguutos na siya'y sulitin sa pamamagitan ng hampas, upang maalaman niya kung sa anong kadahilanan sila'y nangagsigawan ng gayon laban sa kaniya.