7. At nang aming matapos ang paglalayag buhat sa Tiro, ay nagsidating kami sa Tolemaida; at kami'y nagsibati sa mga kapatid, at kami'y nagsitahan sa kanilang isang araw.
8. At nang kinabukasan ay nagsialis kami, at nagsidating sa Cesarea: at sa pagpasok namin sa bahay ni Felipe na evangelista, na isa sa pito, ay nagsitahan kaming kasama niya.
9. Ang tao ngang ito'y may apat na anak na binibini, na nagsisipanghula.
10. At sa pagtira namin doong ilang araw, ay dumating na galing sa Judea ang isang propeta, na nagngangalang Agabo.
11. At paglapit sa amin, at pagkakuha ng pamigkis ni Pablo, ay ginapos niya ang kaniyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, Ganito ang sabi ng Espiritu Santo, Ganitong gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil.
12. At nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at gayon din ang nangaroroon doon ay nagsipamanhik sa kaniya na huwag ng umahon sa Jerusalem.
13. Nang magkagayo'y sumagot si Pablo, Anong ginagawa ninyo, na nagsisitangis at dinudurog ang aking puso? sapagka't ako'y nahahanda na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.
14. At nang hindi siya pahikayat ay nagsitigil kami, na nagsisipagsabi, Mangyari ang kalooban ng Panginoon.
15. At pagkatapos ng mga araw na ito ay binuhat namin ang aming daladalahan at nagsiahon kami sa Jerusalem.
16. At nagsisama naman sa aming mula sa Cesarea ang ilan sa mga alagad, at kanilang isinama ang isang Mnason, na taga Chipre, isa sa mga kaunaunahang alagad, na sa kaniya kami magsisipanuluyan.
17. At nang magsidating kami sa Jerusalem, ay tinanggap kami ng mga kapatid na may kagalakan.
18. At nang sumunod na araw ay pumaroon si Pablo na kasama kami kay Santiago; at ang lahat ng mga matanda ay nangaroroon.