Mga Gawa 21:5-14 Ang Biblia (TLAB)

5. At nang mangyari na maganap namin ang mga araw na yaon, ay nagsialis kami at nangagpatuloy sa aming paglalakbay: at silang lahat, pati ng mga asawa at mga anak, ay humatid sa amin sa aming paglalakad hanggang sa labas ng bayan: at sa paninikluhod namin sa baybayin, kami'y nagsipanalangin, at nangagpaalaman sa isa't isa;

6. At nagsilulan kami sa daong, datapuwa't sila'y muling nagsiuwi sa bahay.

7. At nang aming matapos ang paglalayag buhat sa Tiro, ay nagsidating kami sa Tolemaida; at kami'y nagsibati sa mga kapatid, at kami'y nagsitahan sa kanilang isang araw.

8. At nang kinabukasan ay nagsialis kami, at nagsidating sa Cesarea: at sa pagpasok namin sa bahay ni Felipe na evangelista, na isa sa pito, ay nagsitahan kaming kasama niya.

9. Ang tao ngang ito'y may apat na anak na binibini, na nagsisipanghula.

10. At sa pagtira namin doong ilang araw, ay dumating na galing sa Judea ang isang propeta, na nagngangalang Agabo.

11. At paglapit sa amin, at pagkakuha ng pamigkis ni Pablo, ay ginapos niya ang kaniyang sariling mga paa't kamay, at sinabi, Ganito ang sabi ng Espiritu Santo, Ganitong gagapusin ng mga Judio sa Jerusalem ang lalaking may-ari ng pamigkis na ito, at siya'y kanilang ibibigay sa mga kamay ng mga Gentil.

12. At nang marinig namin ang mga bagay na ito, kami at gayon din ang nangaroroon doon ay nagsipamanhik sa kaniya na huwag ng umahon sa Jerusalem.

13. Nang magkagayo'y sumagot si Pablo, Anong ginagawa ninyo, na nagsisitangis at dinudurog ang aking puso? sapagka't ako'y nahahanda na hindi lamang gapusin, kundi mamatay rin naman sa Jerusalem dahil sa pangalan ng Panginoong Jesus.

14. At nang hindi siya pahikayat ay nagsitigil kami, na nagsisipagsabi, Mangyari ang kalooban ng Panginoon.

Mga Gawa 21