Mga Gawa 20:1-11 Ang Biblia (TLAB)

1. At pagkatapos na mapatigil ang kaguluhan, nang maipatawag na ni Pablo ang mga alagad at sila'y mapangaralan, ay nagpaalam sa kanila, at umalis upang pumaroon sa Macedonia.

2. At nang matahak na niya ang mga dakong yaon, at maaralan na sila ng marami, siya'y napasa Grecia.

3. At nang siya'y makapaggugol na ng tatlong buwan doon, at mapabakayan siya ng mga Judio nang siya'y lalayag na sa Siria, ay pinasiyahan niyang bumalik na magdaan sa Macedonia.

4. At siya'y sinamahan hanggang sa Asia, ni Sopatro na taga Berea, na anak ni Pirro; at ng mga taga Tesalonicang si Aristarco at si Segundo; at ni Gayo na taga Derbe, at ni Timoteo; at ng mga taga Asiang si Tiquico at si Trofimo.

5. Datapuwa't nangauna ang mga ito, at hinintay kami sa Troas.

6. At kami'y nagsilayag mula sa Filipos pagkaraan ng mga kaarawan ng mga tinapay na walang lebadura, at nagsidating kami sa kanila sa Troas sa loob ng limang araw; na doo'y nagsitira kaming pitong araw.

7. At nang unang araw ng sanglinggo, nang kami'y nangagkakapisan upang pagputolputulin ang tinapay, si Pablo ay nangaral sa kanila, na nagaakalang umalis sa kinabukasan; at tumagal ang kaniyang pananalita hanggang sa hatinggabi.

8. At may maraming mga ilaw sa silid sa itaas na pangkatipunan namin.

9. At may nakaupo sa durungawan na isang binatang nagngangalang Eutico, na mahimbing sa pagtulog; at samantalang si Pablo ay nangangaral ng mahaba, palibhasa'y natutulog ay nahulog buhat sa ikatlong grado, at siya'y binuhat na patay.

10. At nanaog si Pablo, at dumapa sa ibabaw niya, at siya'y niyakap na sinabi, Huwag kayong magkagulo; sapagka't nasa kaniya ang kaniyang buhay.

11. At nang siya'y makapanhik na, at mapagputolputol na ang tinapay, at makakain na, at makapagsalita sa kanila ng mahaba, hanggang sa sumikat ang araw, kaya't siya'y umalis.

Mga Gawa 20