Mga Gawa 17:1-11 Ang Biblia (TLAB)

1. Pagkatahak nga nila sa Amfipolis at sa Apolonia, ay nagsirating sila sa Tesalonica, na kinaroroonan ng isang sinagoga ng mga Judio.

2. At si Pablo, ayon sa ugali niya ay pumasok sa kanila, at sa tatlong sabbath ay nangatuwiran sa kanila sa mga kasulatan,

3. Na binubuksan at pinatunayan na kinakailangang si Cristo ay maghirap, at muling mabuhay sa mga patay; at itong si Jesus, aniya, na aking ipinangangaral sa inyo, ay siyang Cristo.

4. At nangahikayat ang ilan sa kanila, at nakikampi kay Pablo at kay Silas; at gayon din ang lubhang maraming mga Griegong masisipag sa kabanalan, at hindi kakaunting mga babaing mararangal.

5. Datapuwa't ang mga Judio, palibhasa'y nangaudyokan ng inggit, ay nangagsama ng ilang masasamang tao sa pamilihan, at pagkatipon ng isang karamihan, ay ginulo ang bayan; at pagkalusob sa bahay ni Jason, ay pinagsikapan nilang sila'y iharap sa mga tao.

6. At nang hindi sila mangasumpungan, ay kanilang kinaladkad si Jason at ang ilang kapatid sa harap ng mga punong bayan, na ipinagsisigawan, Itong mga nagsisipagtiwarik ng sanglibutan, ay nagsiparito rin naman;

7. Na tinanggap sila ni Jason: at ang lahat ng mga ito ay nagsisigawa ng laban sa mga utos ni Cesar, na nagsasabing may ibang hari, si Jesus.

8. At kanilang ginulo ang karamihan at ang mga punong bayan, nang kanilang marinig ang mga bagay na ito.

9. At nang matanggap na nila ang pinakaako kay Jason at sa mga iba, ay kanilang pinawalan sila.

10. At pagdaka'y pinayaon sa gabi ng mga kapatid si Pablo at si Silas sa Berea: na nang dumating sila doon ay nagsipasok sa sinagoga ng mga Judio.

11. Ngayon lalong naging mararangal ang mga ito kay sa mga taga Tesalonica, sapagka't tinanggap nila ang salita ng buong pagsisikap, at sinisiyasat sa araw-araw ang mga kasulatan, kung tunay nga ang mga bagay na ito.

Mga Gawa 17