1. At siya'y naparoon din naman sa Derbe at sa Listra: at narito, naroon ang isang alagad, na nagngangalang Timoteo, na anak ng isang Judiang sumasampalataya; datapuwa't Griego ang kaniyang ama.
2. Siya'y may mabuting patotoo ng mga kapatid na nangasa Listra at Iconio.
3. Iniibig ni Pablo na sumama siya sa kaniya; at kaniyang kinuha siya at tinuli dahil sa mga Judio na nangasa mga dakong yaon: sapagka't nalalaman ng lahat na ang kaniyang ama'y Griego.
4. At sa kanilang pagtahak sa mga bayan, ay ibinigay sa kanila ang mga utos na inilagda ng mga apostol at ng mga matanda sa Jerusalem, upang kanilang tuparin.
5. Kaya nga, ang mga iglesia'y pinalakas sa pananampalataya at naragdagan ang bilang araw-araw.
6. At nang kanilang matahak ang lupain ng Frigia at Galacia, ay pinagbawalan sila ng Espiritu Santo na saysayin ang salita sa Asia;
7. At nang sila'y magsidating sa tapat ng Misia, ay pinagsikapan nilang magsipasok sa Bitinia; at hindi sila tinulutan ng Espiritu ni Jesus;
8. At pagkaraan nila sa Misia, ay nagsilusong sila sa Troas.
9. At napakita ang isang pangitain sa gabi kay Pablo: May isang lalaking taga Macedonia na nakatayo, na namamanhik sa kaniya, at sinasabi, Tumawid ka sa Macedonia, at tulungan mo kami.
10. At pagkakita niya sa pangitain, pagdaka'y pinagsikapan naming magsiparoon sa Macedonia, na pinatutunayang kami'y tinawag ng Dios upang sa kanila'y ipangaral ang evangelio.
11. Pagtulak nga sa Troas, ay pinunta namin ang Samotracia, at nang kinabukasa'y ang Neapolis;
12. At mula doo'y ang Filipos, na isang bayan ng Macedonia, na siyang una sa purok, lupang nasasakupan ng Roma: at nangatira kaming ilang araw sa bayang yaon.
13. At nang araw ng sabbath ay nagsilabas kami sa labas ng pintuan sa tabi ng ilog, na doo'y sinapantaha naming may mapapanalanginan; at kami'y nangaupo, at nakipagsalitaan sa mga babaing nangagkatipon.
14. At isang babaing nagngangalang Lidia, na mangangalakal ng kayong kulay-ube, na taga bayan ng Tiatira, isang masipag sa kabanalan, ay nakinig sa amin: na binuksan ng Panginoon ang kaniyang puso upang unawain ang mga bagay na sinalita ni Pablo.