Mga Gawa 12:15-25 Ang Biblia (TLAB)

15. At kanilang sinabi sa kaniya, Nauulol ka. Datapuwa't buong tiwala niyang pinatunayan na gayon nga. At kanilang sinabi, na yao'y kaniyang anghel.

16. Datapuwa't nanatili si Pedro nang pagtuktok: at nang kanilang buksan, ay nakita nila siya, at sila'y nangamangha.

17. Datapuwa't siya, nang mahudyatan sila ng kaniyang kamay na sila'y tumahimik, ay isinaysay sa kanila kung paanong inilabas siya ng Panginoon sa bilangguan. At sinabi niya, Ipagbigay-alam ninyo ang mga bagay na ito kay Santiago, at sa mga kapatid. At siya'y umalis, at napasa ibang dako.

18. Nang maguumaga na ay hindi kakaunti ang kaguluhang nangyari sa mga kawal, tungkol sa kung anong nangyari kay Pedro.

19. At nang siya'y maipahanap na ni Herodes, at hindi siya nasumpungan, ay siniyasat niya ang mga bantay, at ipinagutos na sila'y patayin. At siya buhat sa Judea ay lumusong sa Cesarea, at doon tumira.

20. At galit na galit nga si Herodes sa mga taga Tiro at taga Sidon: at sila'y nangagkaisang pumaroon sa kaniya, at, nang makaibigan na nila si Blasto na katiwala ng hari, ay kanilang ipinamanhik ang pagkakasundo, sapagka't ang lupain nila'y pinakakain ng lupain ng hari.

21. At isang takdang araw ay nagsuot si Herodes ng damit-hari, at naupo sa luklukan, at sa kanila'y tumalumpati.

22. At ang bayan ay sumigaw, Tinig ng dios, at hindi ng tao.

23. At pagdaka'y sinaktan siya ng isang anghel ng Panginoon, sapagka't hindi niya ibinigay ang kaluwalhatian sa Dios: at siya'y kinain ng mga uod, at nalagot ang hininga.

24. Datapuwa't lumago ang salita ng Dios at dumami.

25. At nagbalik na galing sa Jerusalem si Bernabe at si Saulo, nang maganap na nila ang kanilang ministerio, na kanilang isinama si Juan na may pamagat na Marcos.

Mga Gawa 12