17. Samantalang natitilihang totoo si Pedro sa kaniyang sarili, kung ano ang kahulugan ng pangitaing kaniyang nakita, narito, ang mga taong sinugo ni Cornelio, nang maipagtanong ang bahay ni Simon, ay nangagsitayo sa harapan ng pintuan.
18. At nangagsitawag at nangagtanong kung si Simon, na pinamagatang Pedro, ay nanunuluyan doon.
19. At samantalang iniisip ni Pedro ang tungkol sa pangitain, ay sinabi sa kaniya ng Espiritu, Narito, hinahanap ka ng tatlong tao.
20. Datapuwa't magtindig ka, at manaog ka, at sumama ka sa kanila, na huwag kang magalinlangan ng anoman: sapagka't sila'y aking sinugo.
21. At pinanaog ni Pedro ang mga tao, at sinabi, Narito, ako ang hinahanap ninyo: ano baga ang dahil ng inyong ipinarito?
22. At sinabi nila, Ang senturiong si Cornelio, na taong matuwid at matatakutin sa Dios, at may mabuting patotoo ng buong bansa ng mga Judio, ay pinagpaunawaan ng Dios sa pamamagitan ng isang banal na anghel na ikaw ay paparoonin sa kaniyang bahay, at upang makarinig sa iyo ng mga salita.
23. Kaya't sila'y pinapasok at pinatuloy sila. At nang kinabukasa'y nagbangon siya at umalis na kasama nila, at siya'y sinamahan ng ilang kapatid na mula sa Joppe.
24. At nang kinabukasa'y nagsipasok sila sa Cesarea. At sila'y hinihintay ni Cornelio, na tinipon nito ang kaniyang kamaganakan at ang kaniyang mga kaibigang minamahal.
25. At nangyari, na pagpasok ni Pedro, ay sinalubong siya ni Cornelio, at nagpatirapa sa kaniyang paanan, at siya'y sinamba.
26. Datapuwa't itinindig siya ni Pedro, na sinasabi, Magtindig ka; ako man ay tao rin.
27. At sa pakikipagsalitaan niya sa kaniya, ay pumasok siya, at kaniyang naratnan ang maraming nangagkakatipon:
28. At sinabi niya sa kanila, Nalalaman ninyo na hindi matuwid sa isang taong Judio na makisama lumapit sa isang taga ibang bansa; at gayon ma'y ipinakilala sa akin ng Dios, na sinomang tao'y huwag kong tawaging marumi o karumaldumal: