12. Wala silang ititira niyaon hanggang sa kinaumagahan, ni sisira ng buto niyaon: ayon sa buong palatuntunan ng paskua ay kanilang ipagdidiwang.
13. Datapuwa't ang lalaking malinis, at wala sa paglalakbay, at hindi magdiwang ng paskua, ay ihihiwalay ang taong yaon, sa kaniyang bayan; sapagka't siya'y hindi naghandog ng alay sa Panginoon sa kaukulang panahon, ang taong yaon ay magtataglay ng kaniyang kasalanan.
14. At kung ang isang taga ibang bayan ay makikipamayan sa inyo, at ipagdidiwang ang paskua sa Panginoon; ayon sa palatuntunan ng paskua, at ayon sa ayos, ay gayon gagawin niya; kayo'y magkakaroon ng isang palatuntunan, maging sa taga ibang lupa, at maging sa ipinanganak sa lupain.
15. At nang araw na ang tabernakulo ay itayo, ay tinakpan ng ulap ang tabernakulo, sa makatuwid baga'y ang tabernakulo ng patotoo: at sa paglubog ng araw ay nasa ibabaw ng tabernakulo na parang anyong apoy hanggang sa kinaumagahan.
16. Gayon namalagi: ang ulap ang tumakip doon, at ang anyong apoy sa gabi.
17. At kailan pa man ang ulap ay napaitaas mula sa ibabaw ng Tolda ay naglakbay nga pagkatapos ang mga anak ni Israel: at sa dakong tigilan ng ulap ay doon humantong ang mga anak ni Israel.
18. Sa utos ng Panginoon ay nagsisipaglakbay ang mga anak ni Israel, at sa utos ng Panginoon ay humantong sila: kung gaano kalaon ang itigil ng ulap sa ibabaw ng tabernakulo, ay siya nilang ipina-nanatili sa kampamento.
19. At pagka ang ulap ay tumigil sa ibabaw ng tabernakulo na maluwat, ay iningatan ng mga anak ni Israel ang bilin ng Panginoon at hindi naglalakbay.
20. At kung minsan ay nananatiling ilang araw sa ibabaw ng tabernakulo ang ulap; ayon nga sa utos ng Panginoon ay tumitira sila sa mga tolda at ayon sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila.
21. At kung minsan ang ulap ay nananatili mula sa hapon hanggang sa kinaumagahan; at pagka ang ulap ay napaitaas sa kinaumagahan, ay naglakbay sila: maging araw maging gabi, na ang ulap ay paitaas, ay naglakbay sila.
22. Maging dalawang araw o isang buwan, o isang taon na nakatigil ang ulap sa ibabaw ng tabernakulo, na manatili sa ibabaw niyaon, ay tumitira ang mga anak ni Israel sa mga tolda at hindi naglakbay: datapuwa't pagtaas ay naglakbay sila.
23. Sa utos ng Panginoon ay humantong sila, at sa utos ng Panginoon ay naglakbay sila; kanilang iningatan ang bilin ng Panginoon, sa utos ng Panginoon sa pamamagitan ni Moises.