1. At sinalita ng Panginoon kay Moises sa ilang ng Sinai, sa unang buwan ng ikalawang taon pagkatapos na sila'y makaalis sa lupain ng Egipto, na sinasabi,
2. Bukod sa rito ay ipagdiwang ng mga anak ni Israel ang paskua sa kaniyang kaukulang panahon.
3. Sa ikalabing apat na araw ng buwang ito, sa paglubog ng araw ay inyong ipagdidiwang sa kaniyang kaukulang panahon: ayon sa lahat na palatuntunan niyaon, at ayon sa lahat ng ayos niyaon, ay inyong ipagdidiwang.
4. At si Moises ay nagsalita sa mga anak ni Israel upang ipagdiwang ang paskua.
5. At kanilang ipinagdiwang ang paskua nang unang buwan, sa ikalabing apat na araw ng buwan, sa paglubog ng araw, sa ilang ng Sinai: ayon sa lahat na iniutos ng Panginoon kay Moises, ay gayon ginawa ng mga anak ni Israel.
6. At may mga lalake na mga marurumi dahil sa bangkay ng isang tao, na anopa't hindi nila naipagdiwang ang paskua nang araw na yaon; at nagsiharap sila kay Moises at kay Aaron nang araw na yaon:
7. At ang mga lalaking yaon ay nagsipagsabi sa kanila, Kami ay mga marumi dahil sa bangkay ng isang tao: bakit kami ay masasansala na anopa't kami ay huwag maghandog ng alay sa Panginoon sa kaniyang kaukulang panahon na kasama ng mga anak ni Israel?
8. At sinabi ni Moises sa kanila, Maghintay kayo; upang aking marinig ang ipaguutos ng Panginoon tungkol sa inyo.
9. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
10. Salitain mo sa mga anak ni Israel, na iyong sabihin, Kung ang sinomang tao sa inyo o sa inyong sali't saling lahi ay maging marumi dahil sa isang bangkay, o masumpungan sa isang malayong paglalakbay, ay kaniyang ipagdidiwang din ang paskua sa Panginoon: