18. At ang Nazareo ay magaahit ng ulo sa kaniyang pagkatalaga sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan at kaniyang dadamputin ang buhok ng ulo ng kaniyang pagkatalaga at ilalagay sa ibabaw ng apoy na nasa ilalim ng hain na handog tungkol sa kapayapaan.
19. At kukunin ng saserdote ang lutong balikat ng tupa, at isang munting tinapay na walang lebadura sa bakol, at isang manipis na tinapay na walang lebadura, at ilalagay sa mga kamay ng Nazareo, pagkatapos na makapagahit ng ulo ng kaniyang pagkatalaga:
20. At aalugin ng saserdote na pinakahandog na inalog sa harapan ng Panginoon; ito'y banal sa saserdote, pati ng dibdib na inalog at ng hitang itinaas; at pagkatapos nito'y ang Nazareo ay makaiinom ng alak.
21. Ito ang kautusan tungkol sa Nazareo na nagpanata, at tungkol sa kaniyang alay sa Panginoon dahil sa kaniyang pagtalaga, bukod pa sa aabutin ng kaniyang mga kaya: ayon sa kaniyang panata na kaniyang ipinanata, ay gayon niya dapat gagawin, ayon sa kautusan tungkol sa kaniyang pagkatalaga.
22. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
23. Salitain mo kay Aaron at sa kaniyang mga anak, na sasabihin, Sa ganitong paraan babasbasan ninyo ang mga anak ni Israel; inyong sasabihin sa kanila:
24. Pagpalain ka nawa ng Panginoon at ingatan ka:
25. Paliwanagin nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at mahabag sa iyo:
26. Ilingap nawa ng Panginoon ang kaniyang mukha sa iyo, at bigyan ka ng kapayapaan.
27. Gayon nila ilalagay ang aking pangalan sa mga anak ni Israel; at aking pagpapalain sila.