Mga Bilang 4:11-29 Ang Biblia (TLAB)

11. At ang ibabaw ng dambanang ginto ay kanilang lalatagan ng isang kayong bughaw, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga pingga niyaon:

12. At kanilang kukunin ang lahat ng mga kasangkapan na ukol sa pangangasiwa na ipinangangasiwa nila sa santuario, at kanilang ilalagay sa isang kayong bughaw, at kanilang tatakpan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ipapatong sa patungan.

13. At kanilang aalisin ang mga abo sa dambana at kanilang lalatagan ng isang kayong kulay ube.

14. At kanilang ipapatong doon ang lahat ng mga kasangkapan na kanilang ipinangangasiwa sa palibot ng dambana, ang suuban at ang mga pangipit, at ang mga pala at ang mga mangkok, lahat ng mga kasangkapan ng dambana; at kanilang lalatagan ng isang panakip na balat ng foka, at kanilang ilalagay ang mga pingga niyaon.

15. At pagka si Aaron at ang kaniyang mga anak ay nakatapos na makapagtakip sa santuario at sa buong kasangkapan ng santuario, kailan ma't isusulong ang kampamento: ay magsisilapit pagkatapos ang mga anak ni Koath upang kanilang buhatin yaon: datapuwa't huwag silang hihipo sa santuario, baka sila'y mamatay. Ang mga bagay na ito ay siyang pasanin ng mga anak ni Coath sa tabernakulo ng kapisanan.

16. At ang magiging katungkulan ni Eleazar na anak ni Aaron na saserdote, ay ang langis sa ilawan, at ang mabangong kamangyan, at ang palaging handog na harina, at ang langis na pang-pahid, at ang pagiingat ng buong tabernakulo at ng lahat na nandoon, ang santuario at ang mga kasangkapan niyaon.

17. At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

18. Huwag ninyong ihiwalay ang lipi ng mga angkan ng mga Coathita sa gitna ng mga Levita.

19. Kundi gawin ninyo sa kanila ang ganito, upang sila'y mabuhay at huwag mamatay, paglapit nila sa mga kabanalbanalang bagay: si Aaron at ang kaniyang mga anak ay paparoon at ituturo sa bawa't isa ang kanikaniyang paglilingkod at ang kanikaniyang pasanin:

20. Nguni't sila'y huwag magsisipasok upang tingnan ang santuario kahit sandali man, baka sila'y mamatay.

21. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

22. Aayusin mo rin ang bilang ng mga anak ni Gerson, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang ayon sa kanilang mga angkan;

23. Mula sa tatlong pung taong gulang hanggang sa limang pung taong gulang ay bibilangin mo sila; yaong lahat na pumapasok na nangangasiwa sa paglilingkod upang gawin ang gawain sa tabernakulo ng kapisanan.

24. Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gersonita, sa paglilingkod at sa pagdadala ng mga pasanin:

25. Dadalhin nila ang mga tabing ng tabernakulo, at ang tabernakulo ng kapisanan, ang takip niyaon, at ang panakip na balat ng foka na nasa ibabaw nito, at ang tabing sa pintuan ng tabernakulo ng kapisanan;

26. At ang mga tabing sa looban, at ang tabing sa pintuang-daan ng looban na nasa siping ng tabernakulo, at ng dambana, at ang mga tali ng mga yaon, at ang lahat ng kasangkapan sa kanilang paglilingkod at ang lahat na marapat na gawin sa mga yaon ay kanilang ipaglilingkod.

27. Mapapasa kapangyarihan ni Aaron at ng kaniyang mga anak ang buong paglilingkod ng mga anak ng mga Gersonita sa buong kanilang pasanin, at sa buong kanilang paglilingkod: at inyong ituturo sa kanila ang mga nauukol sa kanilang buong pasanin.

28. Ito ang paglilingkod ng mga angkan ng mga Gersonita sa tabernakulo ng kapisanan: at ang katungkulan nila ay mapapasa ilalim ng pamamahala ni Ithamar na anak ni Aaron na saserdote.

29. Tungkol sa mga anak ni Merari, ay bibilangin mo sila ayon sa kanilang mga angkan, ayon sa mga sangbahayan ng kanilang mga magulang;

Mga Bilang 4