Mga Bilang 35:4-18 Ang Biblia (TLAB)

4. At ang mga pastulan sa mga bayan, na inyong ibibigay sa mga Levita, ay isang libong siko sa palibot mula sa kuta ng bayan hanggang sa dakong labas.

5. At ang inyong susukatin sa labas ng bayan sa dakong silanganan ay dalawang libong siko, at sa dakong timugan ay dalawang libong siko, at sa dakong kalunuran ay dalawang libong siko, at sa dakong hilagaan ay dalawang libong siko, na ang bayan ay sa gitna. Ito ang magiging sa kanila'y mga pastulan sa mga bayan.

6. At ang mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay ang anim na bayan na ampunan, na siya ninyong ibibigay na matatakasan ng nakamatay ng tao: at bukod sa rito ay magbibigay kayo ng apat na pu't dalawang bayan.

7. Lahat ng mga bayan na inyong ibibigay sa mga Levita ay apat na pu't walong bayan: inyong ibibigay sangpu ng kanilang mga pastulan.

8. At tungkol sa mga bayan na pag-aari ng mga anak ni Israel na inyong ibibigay ay kukuha kayo ng marami sa marami; at sa kaunti ay kukuha kayo ng kaunti: bawa't isa ayon sa kaniyang mana na kaniyang minamana ay magbibigay sa kaniyang mga bayan sa mga Levita.

9. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,

10. Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagkaraan ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,

11. Ay pipili nga kayo ng mga bayan na maging mga bayang ampunan sa inyo, upang ang nakamatay ng tao na pumatay ng sinomang tao na hindi sinasadya, ay makatakas doon.

12. At ang mga bayang yaong ay magiging sa inyo'y pinaka ampunan laban sa manghihiganti; upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa maitayo sa kapisanan na hatulan.

13. At ang mga bayan na inyong ibibigay ay anim na bayang ampunan sa inyo.

14. Magbibigay kayo ng tatlong bayan sa dako roon ng Jordan, at tatlong bayan ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan; siyang magiging mga bayang ampunan.

15. Sa mga anak ni Israel, at sa taga ibang lupa, at sa makikipamayan sa kanila ay magiging ampunan ang anim na bayang ito: upang ang bawa't nakamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon.

16. Nguni't kung kaniyang saktan ang kaniyang kapuwa ng isang kasangkapang bakal, na ano pa't namatay, siya nga'y mamamatay tao; ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

17. At kung kaniyang saktan ng isang batong tangan niya sa kamay na ikamamatay ng isang tao, at namatay nga, mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

18. O kung kaniyang saktan ng isang almas na kahoy na tangan niya sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, ay mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

Mga Bilang 35