Mga Bilang 35:10-24 Ang Biblia (TLAB)

10. Salitain mo sa mga anak ni Israel, at sabihin mo sa kanila, Pagkaraan ninyo ng Jordan sa lupain ng Canaan,

11. Ay pipili nga kayo ng mga bayan na maging mga bayang ampunan sa inyo, upang ang nakamatay ng tao na pumatay ng sinomang tao na hindi sinasadya, ay makatakas doon.

12. At ang mga bayang yaong ay magiging sa inyo'y pinaka ampunan laban sa manghihiganti; upang ang nakamatay ay huwag mamatay, hanggang sa maitayo sa kapisanan na hatulan.

13. At ang mga bayan na inyong ibibigay ay anim na bayang ampunan sa inyo.

14. Magbibigay kayo ng tatlong bayan sa dako roon ng Jordan, at tatlong bayan ang ibibigay ninyo sa lupain ng Canaan; siyang magiging mga bayang ampunan.

15. Sa mga anak ni Israel, at sa taga ibang lupa, at sa makikipamayan sa kanila ay magiging ampunan ang anim na bayang ito: upang ang bawa't nakamatay ng sinomang tao, na hindi sinasadya, ay makatakas doon.

16. Nguni't kung kaniyang saktan ang kaniyang kapuwa ng isang kasangkapang bakal, na ano pa't namatay, siya nga'y mamamatay tao; ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

17. At kung kaniyang saktan ng isang batong tangan niya sa kamay na ikamamatay ng isang tao, at namatay nga, mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

18. O kung kaniyang saktan ng isang almas na kahoy na tangan niya sa kamay na ikamamatay ng tao, at namatay nga, ay mamamatay tao siya: ang mamamatay tao ay walang pagsalang papatayin.

19. Ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay: pagka nasumpungan niya ay kaniyang papatayin.

20. At kung kaniyang itinulak sa kapootan, o kaniyang hinagis na binanta, ano pa't siya'y namatay;

21. O sa pakikipagkaalit ay sinaktan niya ng kaniyang kamay, na ano pa't siya'y namatay: siya na sumakit ay walang pagsalang papatayin; siya'y mamamatay tao: ang manghihiganti sa dugo ay siyang papatay sa pumatay, pagka nasumpungan niya.

22. Nguni't kung sa kabiglaanan ay kaniyang maitulak na walang pakikipagkaalit, o mahagisan niya ng anomang bagay na hindi binanta,

23. O ng anomang bato na ikamamatay ng tao, na hindi niya nakikita at kaniyang maihagis sa kaniya, na ano pa't namatay at hindi niya kaaway, at hindi niya pinagaakalaan ng masama:

24. Kung gayo'y ang kapisanan ang siyang hahatol sa sumakit at sa manghihiganti sa dugo, ayon sa mga kahatulang ito:

Mga Bilang 35