Mga Bilang 31:9-21 Ang Biblia (TLAB)

9. At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Madian at ang kanilang mga bata; at ang lahat nilang mga hayop at ang lahat nilang mga kawan, at ang lahat nilang pag-aari ay kanilang sinamsam.

10. At ang lahat nilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinatahanan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.

11. At kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging sa tao at maging sa hayop.

12. At kanilang dinala ang mga bihag, ang nasamsam at ang nahuli, kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa kapisanan ng mga anak ni Israel, na nasa kampamento sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.

13. At si Moises at si Eleazar na saserdote, at ang lahat ng mga prinsipe sa kapisanan, ay nagsilabas na sinalubong sila sa labas ng kampamento.

14. At si Moises ay nag-init sa mga pinuno ng hukbo, sa mga kapitan ng libolibo at sa mga kapitan ng daandaan, na nagsipanggaling sa pakikipagbaka.

15. At sinabi ni Moises sa kanila, Iniligtas ba ninyo na buhay ang lahat ng mga babae?

16. Narito, sila'y naging sanhi, sa payo ni Balaam, upang ang mga anak ni Israel ay sumalangsang laban sa Panginoon sa bagay ng Peor, at kaya't nagkasalot sa kapisanan ng Panginoon.

17. Ngayon nga ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalake at patayin ninyo ang bawa't babae na nasipingan ng lalake.

18. Nguni't ang lahat ng batang babae na hindi pa nasisipingan ng lalake ay buhayin ninyo upang mapasa inyo.

19. At matira kayo sa labas ng kampamento na pitong araw: sinoman sa inyo na nakamatay ng sinomang tao, at sinoman sa inyo na nakahipo ng anomang pinatay, ay maglilinis kayo sa ikatlong araw at sa ikapitong araw, kayo at ang inyong mga bihag.

20. At tungkol sa bawa't kasuutan, at sa lahat ng yari sa balat, at sa lahat ng yari sa balahibo ng kambing, at sa lahat ng bagay na yari sa kahoy, ay pakalinisin ninyo.

21. At sinabi ni Eleazar na saserdote sa mga lalake ng hukbo na nagsiparoon sa pakikipagbaka, Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon kay Moises:

Mga Bilang 31