Mga Bilang 31:4-18 Ang Biblia (TLAB)

4. Sa bawa't lipi ay isang libo, sa lahat ng mga lipi ng Israel, ang susuguin ninyo sa pakikibaka.

5. Sa gayo'y sinugo sa libolibong Israelita, ang isang libo sa bawa't lipi, na labing dalawang libo ngang nasasakbatan sa pakikibaka.

6. At sinugo sila ni Moises, sa pakikibaka, isang libo sa bawa't lipi, sila at si Phinees na anak ni Eleazar na saserdote, sa pakikibaka, na may mga kasangkapan ng santuario, at may mga pakakak na panghudyat sa kaniyang kamay.

7. At binaka nila ang Madian, gaya ng iniutos ng Panginoon kay Moises; at kanilang pinatay ang bawa't lalake.

8. At pinatay nila ang mga hari sa Madian na kasama ng mga napatay: si Evi at si Recem, at si Zur, at si Hur, at si Reba, limang hari sa Madian: si Balaam man na anak ni Beor ay kanilang pinatay ng tabak.

9. At binihag ng mga anak ng Israel ang mga babae sa Madian at ang kanilang mga bata; at ang lahat nilang mga hayop at ang lahat nilang mga kawan, at ang lahat nilang pag-aari ay kanilang sinamsam.

10. At ang lahat nilang mga bayan sa mga dakong kanilang tinatahanan at ang lahat nilang mga tolda ay kanilang sinunog sa apoy.

11. At kanilang dinala ang lahat ng kanilang nakuha, at ang lahat ng kanilang nasamsam, maging sa tao at maging sa hayop.

12. At kanilang dinala ang mga bihag, ang nasamsam at ang nahuli, kay Moises, at kay Eleazar na saserdote, at sa kapisanan ng mga anak ni Israel, na nasa kampamento sa mga kapatagan ng Moab, na nasa tabi ng Jordan sa Jerico.

13. At si Moises at si Eleazar na saserdote, at ang lahat ng mga prinsipe sa kapisanan, ay nagsilabas na sinalubong sila sa labas ng kampamento.

14. At si Moises ay nag-init sa mga pinuno ng hukbo, sa mga kapitan ng libolibo at sa mga kapitan ng daandaan, na nagsipanggaling sa pakikipagbaka.

15. At sinabi ni Moises sa kanila, Iniligtas ba ninyo na buhay ang lahat ng mga babae?

16. Narito, sila'y naging sanhi, sa payo ni Balaam, upang ang mga anak ni Israel ay sumalangsang laban sa Panginoon sa bagay ng Peor, at kaya't nagkasalot sa kapisanan ng Panginoon.

17. Ngayon nga ay patayin ninyo ang lahat ng mga batang lalake at patayin ninyo ang bawa't babae na nasipingan ng lalake.

18. Nguni't ang lahat ng batang babae na hindi pa nasisipingan ng lalake ay buhayin ninyo upang mapasa inyo.

Mga Bilang 31