1. At ito ang mga lahi ni Aaron at ni Moises, nang araw na magsalita ang Panginoon kay Moises sa bundok ng Sinai.
2. At ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron: si Nadab ang panganay, at si Abiu, si Eleazar, at si Ithamar.
3. Ito ang mga pangalan ng mga anak ni Aaron, na mga saserdote na pinahiran ng langis, na itinalaga upang mangasiwa sa katungkulang saserdote.
4. At si Nadab at si Abiu ay nangamatay sa harap ng Panginoon, nang sila'y maghandog ng ibang apoy sa harap ng Panginoon, sa ilang ng Sinai, at sila'y hindi nagkaanak: at si Eleazar at si Ithamar ay nangasiwa sa katungkulang saserdote sa harap ni Aaron na kanilang ama.
5. At sinalita ng Panginoon kay Moises, na sinasabi,
6. Ilapit mo ang lipi ni Levi, at ilagay mo sila sa harap ni Aaron na saserdote, upang pangasiwaan nila siya.
7. At kanilang gaganapin ang kaniyang katungkulan, at ang katungkulan ng buong kapisanan sa harap ng tabernakulo ng kapisanan upang isagawa ang paglilingkod sa tabernakulo.
8. At kanilang iingatan ang lahat ng kasangkapan ng tabernakulo ng kapisanan at ang katungkulan ng mga anak ni Israel upang isagawa ang paglilingkod sa tabernakulo.
9. At iyong ibibigay ang mga Levita kay Aaron at sa kaniyang mga anak: sila'y tunay na ibinigay sa kaniya sa ganang mga anak ni Israel.