Mga Bilang 22:6-17 Ang Biblia (TLAB)

6. Parito ka ngayon, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito; sapagka't sila'y totoong makapangyarihan kay sa akin; marahil ako'y mananaig, na aming masasaktan sila, at aking silang mapalalayas sa lupain; sapagka't talastas ko na ang iyong pinagpapala ay mapalad at ang iyong sinusumpa ay mapapasama.

7. At ang mga matanda sa Moab at ang mga matanda sa Madian, ay nagsiparoon na dala sa kanilang kamay ang mga ganting pala sa panghuhula; at sila'y dumating kay Balaam at sinalita nila sa kaniya ang mga salita ni Balac.

8. At kaniyang sinabi sa kanila, Dito na kayo tumuloy ngayong gabi, at bibigyan ko kayo ng kasagutan, kung ano ang sasalitain ng Panginoon sa akin; at ang mga prinsipe sa Moab ay tumuloy na kasama ni Balaam.

9. At ang Dios ay naparoon kay Balaam, at nagsabi, Sinong mga tao itong kasama mo?

10. At sinabi ni Balaam sa Dios, Si Balac, na anak ni Zippor, hari sa Moab, ay nagpasugo sa akin, na sinasabi,

11. Narito, ang bayan na lumabas sa Egipto, ay tumatakip sa ibabaw ng lupa: ngayo'y parito ka, sumpain mo sila sa akin; marahil ako'y makababaka sa kanila, at sila'y aking mapalalayas.

12. At sinabi ng Dios kay Balaam, Huwag kang paroroong kasama nila; huwag mong susumpain ang bayan; sapagka't sila'y pinagpala.

13. At si Balaam ay bumangon nang kinaumagahan, at sinabi sa mga prinsipe ni Balac, Yumaon kayo sa inyong lupain: sapagka't ipinagkait ng Panginoon ang pahintulot na ako'y pumaroong kasama ninyo.

14. At ang mga prinsipe sa Moab ay bumangon, at sila'y naparoon kay Balac, at nagsabi, Si Balaam ay tumangging pumarito na kasama namin.

15. At si Balac ay nagsugong muli ng marami pang prinsipe, at lalong mga mahal kay sa kanila.

16. At sila'y naparoon kay Balaam at nagsabi sa kaniya, Ganito ang sabi ni Balac na anak ni Zippor, Isinasamo ko sa iyo, na ang anomang bagay huwag mong tulutan na makaabala sa iyo sa pagparito mo sa akin:

17. Sapagka't ikaw ay aking papupurihan ng mga dakilang karangalan, at anomang sabihin mo sa akin ay gagawin ko: parito ka nga, isinasamo ko sa iyo, na sumpain mo sa akin ang bayang ito.

Mga Bilang 22