Mga Bilang 21:8-26 Ang Biblia (TLAB)

8. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Gumawa ka ng isang mabagsik na ahas at ipatong mo sa isang tikin: at mangyayari, na bawa't taong makagat, ay mabubuhay pag tumingin doon.

9. At si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin: at nangyari, na pag may nakagat ng ahas ay nabubuhay pagtingin sa ahas na tanso,

10. At ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at humantong sa Oboth.

11. At sila'y naglakbay mula sa Oboth, at humantong sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, sa dakong sinisikatan ng araw.

12. Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa libis ng Zared.

13. Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na lumalabas sa hangganan ng mga Amorrheo: sapagka't ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amorrheo.

14. Kaya't sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipagbaka ng Panginoon, Ang Vaheb ay sa Sufa, At ang mga libis ng Arnon,

15. At ang kiling ng mga libis Na kumikiling sa dakong tahanan ng Ar, At humihilig sa hangganan ng Moab.

16. At mula roon, ay napasa Beer sila, na siyang balong pinagsabihan ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo ang bayan at aking bibigyan sila ng tubig.

17. Nang magkagayo'y inawit ng Israel ang awit na ito: Bumalong ka, Oh balon; awitan ninyo siya;

18. Siyang balong hinukay ng mga prinsipe, Na pinalalim ng mga mahal sa bayan, Ng setro at ng kanilang mga tungkod. At mula sa ilang, sila'y napasa Mathana.

19. At mula sa Mathana ay napasa Nahaliel: at mula sa Nahaliel ay napasa Bamoth;

20. At mula sa Bamoth ay napasa libis na nasa bukid ng Moab, sa taluktok ng Pisga, na patungo sa ilang.

21. At ang Israel ay nagutos ng mga sugo kay Sehon, na hari ng mga Amorrheo, na sinasabi,

22. Paraanin mo ako sa iyong lupain: kami ay hindi liliko sa bukid, ni sa ubasan; kami ay hindi iinom ng tubig ng mga balon: kami ay magdadaan sa maluwang na lansangan, hanggang sa aming maraanan ang iyong hangganan.

23. At hindi ipinahintulot paraanin ni Sehon ang Israel sa kaniyang hangganan: kungdi pinisan ni Sehon ang kaniyang buong bayan, at lumabas sa ilang laban sa Israel at dumating hanggang Jahaz: at nilabanan ang Israel.

24. At sinaktan siya ng Israel ng talim ng tabak, at inari ang kaniyang lupain mula sa Arnon hanggang Jaboc, hanggang sa mga anak ni Ammon: sapagka't ang hangganan ng mga anak ni Ammon ay matibay.

25. At sinakop ng Israel ang lahat ng mga bayang ito: at ang Israel ay tumahan sa lahat ng mga bayan ng mga Amorrheo, sa Hesbon at sa lahat ng mga bayan niyaon.

26. Sapagka't ang Hesbon ay siyang bayan ni Sehon na hari ng mga Amorrheo, na siyang nakipaglaban sa unang hari sa Moab, at sumakop ng buong lupain niyaon sa kaniyang kamay hanggang sa Arnon.

Mga Bilang 21