Mga Bilang 21:3-16 Ang Biblia (TLAB)

3. At dininig ng Panginoon ang tinig ng Israel, at ibinigay ang Cananeo sa kanila, at kanilang lubos na nilipol sila at ang kanilang mga bayan: at ang ipinangalan sa dakong yaon ay Horma.

4. At sila'y naglakbay mula sa bundok ng Hor na napasa daang patungo sa Dagat na Mapula upang lumiko sa lupain ng Edom; at ang damdamin ng bayan ay nainip dahil sa daan.

5. At ang bayan ay nagsalita laban sa Dios at laban kay Moises: Bakit ninyo kami pinasampa mula sa Egipto, upang mamatay sa ilang? sapagka't walang tinapay at walang tubig; at ang aming kaluluwa ay nasusuya na sa manang ito.

6. At ang Panginoon ay nagsugo ng mababangis na ahas sa gitna ng bayan, at kanilang kinagat ang bayan: at maraming tao sa Israel ay namatay.

7. At ang bayan ay naparoon kay Moises, at nagsabi, Kami ay nagkasala, sapagka't kami ay nagsalita laban sa Panginoon, at laban sa iyo; idalangin mo sa Panginoon, na kaniyang alisin sa amin ang mga ahas. At idinalangin ni Moises ang bayan.

8. At sinabi ng Panginoon kay Moises, Gumawa ka ng isang mabagsik na ahas at ipatong mo sa isang tikin: at mangyayari, na bawa't taong makagat, ay mabubuhay pag tumingin doon.

9. At si Moises ay gumawa ng isang ahas na tanso at ipinatong sa isang tikin: at nangyari, na pag may nakagat ng ahas ay nabubuhay pagtingin sa ahas na tanso,

10. At ang mga anak ni Israel ay naglakbay, at humantong sa Oboth.

11. At sila'y naglakbay mula sa Oboth, at humantong sa Ije-abarim sa ilang na nasa tapat ng Moab, sa dakong sinisikatan ng araw.

12. Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa libis ng Zared.

13. Mula roon ay naglakbay sila, at humantong sa kabilang ibayo ng Arnon, na nasa ilang na lumalabas sa hangganan ng mga Amorrheo: sapagka't ang Arnon ay hangganan ng Moab, na nasa pagitan ng Moab at ng mga Amorrheo.

14. Kaya't sinasabi sa aklat ng Mga Pakikipagbaka ng Panginoon, Ang Vaheb ay sa Sufa, At ang mga libis ng Arnon,

15. At ang kiling ng mga libis Na kumikiling sa dakong tahanan ng Ar, At humihilig sa hangganan ng Moab.

16. At mula roon, ay napasa Beer sila, na siyang balong pinagsabihan ng Panginoon kay Moises, Pisanin mo ang bayan at aking bibigyan sila ng tubig.

Mga Bilang 21