Mga Bilang 19:1-12 Ang Biblia (TLAB)

1. At sinalita ng Panginoon kay Moises at kay Aaron, na sinasabi,

2. Ito ang palatuntunan ng kautusan na iniutos ng Panginoon, na sinasabi, Salitain mo sa mga anak ni Israel, na sila'y magdala sa iyo ng isang mapulang guyang bakang babae, na walang kapintasan, na walang dungis, na hindi pa napapatungan ng pamatok.

3. At ibibigay ninyo kay Eleazar na saserdote, at kaniyang ilalabas sa kampamento at papatayin ng isa sa kaniyang harapan:

4. At si Eleazar na saserdote ay dadampot ng dugo sa pamamagitan ng kaniyang daliri, at magwiwisik ng dugo na makapito sa dakong harap ng tabernakulo ng kapisanan:

5. At susunugin ng isa sa paningin niya ang guyang bakang babae; ang balat niyaon at ang laman niyaon, at ang dugo niyaon, sangpu ng dumi niyaon, ay susunugin niya:

6. At ang saserdote ay kukuha ng kahoy na sedro, at ng isopo, at ng kulay grana, at ihahagis sa gitna ng pinagsusunugan sa guyang bakang babae.

7. Saka lalabhan ng saserdote ang kaniyang mga suot at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at pagkatapos ay papasok siya sa kampamento at ang saserdote ay magiging marumi hanggang sa hapon.

8. At yaong sumunog sa baka ay maglalaba ng kaniyang mga suot sa tubig at kaniyang paliliguan ang kaniyang laman sa tubig, at magiging marumi hanggang sa hapon.

9. At pupulutin ng isang taong malinis ang mga abo ng guyang bakang babae at ilalagay sa labas ng kampamento sa isang dakong malinis; at iingatan ukol sa kapisanan ng mga anak ni Israel na pinaka tubig para sa karumihan: handog nga dahil sa kasalanan.

10. At yaong pumulot ng mga abo ng guyang bakang babae ay maglalaba ng kaniyang mga suot, at magiging marumi hanggang sa hapon; at sa mga anak ni Israel at sa taga ibang bayan na nakikipamayan sa kanila, ay magiging isang palatuntunan magpakailan man.

11. Ang makahipo ng bangkay ng sinomang tao, ay magiging marumi na pitong araw:

12. Ang gayon ay maglilinis sa pamamagitan ng tubig na yaon sa ikatlong araw, at sa ikapitong araw ay magiging malinis: nguni't kung siya'y hindi maglinis sa ikatlong araw, ay hindi nga siya magiging malinis sa ikapitong araw.

Mga Bilang 19