24. At si Moises ay lumabas, at isinaysay sa bayan ang mga salita ng Panginoon: at siya'y nagpisan ng pitong pung lalake sa mga matanda sa bayan at kaniyang pinatayo sa palibot ng Tolda.
25. At ang Panginoon ay bumaba sa ulap, at nagsalita sa kaniya; at kumuha sa Espiritung sumasakaniya at isinalin sa pitong pung matanda: at nangyari, na nang sumakanila ang Espiritu, ay nanganghula, nguni't hindi na sila umulit.
26. Nguni't naiwan ang dalawang lalake sa kampamento, na ang pangalan ng isa ay Eldad, at ang pangalan ng isa ay Medad: at ang Espiritu ay sumasakanila; at sila'y kabilang sa nangasulat, nguni't hindi nagsilabas sa Tolda: at sila'y nanghula sa kampamento.
27. At tumakbo ang isang binata, at isinaysay kay Moises, at sinabi, Si Eldad at si Medad ay nanghuhula sa kampamento.
28. At si Josue na anak ni Nun, na tagapangasiwa ni Moises, na isa sa kaniyang mga piling lalake, ay sumagot at nagsabi, Panginoon kong Moises, pagbawalan mo sila.
29. At sinabi ni Moises sa kaniya, Ikaw ba'y may paninibugho sa akin? ibigin nawa na ang buong bayan ng Panginoon ay maging propeta na isakanila ng Panginoon ang kaniyang Espiritu!
30. At naparoon si Moises sa kampamento, siya at ang mga matanda sa Israel.
31. At lumabas ang isang hanging galing sa Panginoon, at nagdala ng mga pugo na mula sa dagat, at pinalapag sa kampamento na may isang araw lakarin sa dakong ito, at isang araw lakarin sa kabilang dako sa palibot ng kampamento, at nagsilipad na may dalawang siko ang taas sa balat ng lupa.
32. At ang bayan ay nangakatindig ng buong araw na yaon at ng buong gabi, at ng buong ikalawang araw, at nagsipanghuli ng mga pugo; yaong kaunti ang napisan ay nakapisan ng sangpung homer: at kanilang ikinalat para sa kanila sa buong palibot ng kampamento.
33. Samantalang ang karne ay nasa kanilang mga ngipin pa, na hindi pa nila nangunguya ay nagningas laban sa bayan ang galit ng Panginoon at sinaktan ng Panginoon ang bayan ng isang salot na di kawasa.
34. At ang pangalan ng dakong yaon ay tinawag na Kibroth-hattaavah; sapagka't doon inilibing nila ang bayang sakim.
35. Mula sa Kibroth-hattaavah ay naglakbay ang bayan na patungo sa Haseroth; at sila'y tumira sa Haseroth.