Mga Awit 68:8-17 Ang Biblia (TLAB)

8. Ang lupa ay nayanig, ang mga langit naman ay tumulo sa harapan ng Dios: ang Sinai na yaon ay nayanig sa harapan ng Dios, ng Dios ng Israel.

9. Ikaw, Oh Dios, naglagpak ng saganang ulan, iyong pinatibay ang iyong mana, noong ito'y mahina.

10. Ang iyong kapisanan ay tumahan doon: ikaw, Oh Dios, ipinaghanda mo ng iyong kabutihan ang dukha.

11. Nagbibigay ng salita ang Panginoon: ang mga babaing nangaghahayag ng mga balita ay malaking hukbo.

12. Mga hari ng mga hukbo ay nagsisitakas, sila'y nagsisitakas: at nangamamahagi ng samsam ang naiwan sa bahay.

13. Mahihiga ba kayo sa gitna ng mga kulungan ng mga kawan, na parang mga pakpak ng kalapati na natatakpan ng pilak, at ng kaniyang balahibo ng gintong madilaw?

14. Nang ang Makapangyarihan sa lahat ay magkalat ng mga hari roon, ay tila nagka nieve sa Salmon.

15. Bundok ng Dios ay ang bundok ng Basan; mataas na bundok ang bundok ng Basan.

16. Bakit kayo'y nagsisiirap, kayong matataas na mga bundok, sa bundok na ninasa ng Dios na maging kaniyang tahanan? Oo, tatahan doon ang Panginoon magpakailan man.

17. Ang mga karo ng Dios ay dalawang pung libo sa makatuwid baga'y libolibo: ang Panginoon ay nasa gitna nila, kung paano sa Sinai, gayon sa santuario.

Mga Awit 68