Mga Awit 22:17-29 Ang Biblia (TLAB)

17. Aking maisasaysay ang lahat ng aking mga buto; kanilang minamasdan, at pinapansin ako:

18. Hinapak nila ang aking mga kasuutan sa gitna nila, at kanilang pinagsapalaran ang aking kasuutan.

19. Nguni't huwag kang lumayo, Oh Panginoon: Oh ikaw na aking saklolo, magmadali kang tulungan mo ako.

20. Iligtas mo ang aking kaluluwa sa tabak; ang aking minamahal sa kapangyarihan ng aso.

21. Iligtas mo ako sa bibig ng leon; Oo, mula sa mga sungay ng torong gubat ay sinagot mo ako.

22. Aking ipahahayag ang iyong pangalan sa aking mga kapatid: sa gitna ng kapulungan ay pupurihin kita.

23. Kayong nangatatakot sa Panginoon ay magsipuri sa kaniya: kayong lahat na binhi ni Jacob ay lumuwalhati sa kaniya; at magsitayong may takot sa kaniya, kayong lahat na binhi ni Israel.

24. Sapagka't hindi niya hinamak o pinagtaniman man ang kadalamhatian ng nagdadalamhati; ni ikinubli man niya ang kaniyang mukha sa kaniya; kundi nang siya'y dumaing sa kaniya, ay kaniyang dininig.

25. Sa iyo nanggagaling ang pagpuri sa akin sa dakilang kapisanan: aking tutuparin ang aking mga panata sa harap nila na nangatatakot sa kaniya.

26. Ang maamo ay kakain at mabubusog: kanilang pupurihin ang Panginoon na humanap sa kaniya; mabuhay nawa ang iyong puso magpakailan man.

27. Lahat ng mga wakas ng lupa ay makakaalaala, at magsisipanumbalik sa Panginoon: at lahat ng mga angkan ng mga bansa ay magsisisamba sa harap mo.

28. Sapagka't ang kaharian ay sa Panginoon: at siya ang puno sa mga bansa.

29. Lahat na matataba sa lupa ay magsisikain, at magsisisamba: silang lahat na nagsisibaba sa alabok ay magsisiyukod sa harap niya, sa makatuwid baga'y ang hindi makapagingat na buhay ng kaniyang kaluluwa.

Mga Awit 22