Mga Awit 136 Ang Biblia (TLAB)

1. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon; sapagka't siya'y mabuti: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

2. Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng mga dios: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

3. Oh mangagpasalamat kayo sa Panginoon ng mga panginoon: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

4. Sa kaniya na gumagawang magisa ng mga dakilang kababalaghan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

5. Sa kaniya na gumawa ng mga langit sa pamamagitan ng unawa: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

6. Sa kaniya na naglalatag ng lupa sa ibabaw ng tubig: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

7. Sa kaniya na gumawa ng mga dakilang tanglaw; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

8. Ng araw upang magpuno sa araw: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

9. Ng buwan at mga bituin upang magpuno sa gabi: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

10. Sa kaniya na sumakit sa Egipto sa kanilang mga panganay: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

11. At kinuha ang Israel sa kanila: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

12. Sa pamamagitan ng malakas na kamay, at ng unat na bisig: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

13. Sa kaniya na humawi ng Dagat na Mapula: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

14. At nagparaan sa Israel sa gitna niyaon: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

15. Nguni't tinabunan si Faraon at ang kaniyang hukbo sa Dagat na Mapula: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

16. Sa kaniya na pumatnubay ng kaniyang bayan sa ilang: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

17. Sa kaniya na sumakit sa mga dakilang hari: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

18. At pumatay sa mga bantog na hari: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

19. Kay Sehon na hari ng mga Amorrheo; sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

20. At kay Og na hari sa Basan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

21. At ibinigay ang kanilang lupain na pinakamana. Sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

22. Sa makatuwid baga'y pinakamana sa Israel na kaniyang lingkod: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

23. Na siyang umalaala sa atin sa ating mababang kalagayan: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

24. At iniligtas tayo sa ating mga kaaway: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man:

25. Siya'y nagbibigay ng pagkain sa lahat ng kinapal: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.

26. Oh mangagpasalamat kayo sa Dios ng langit: sapagka't ang kaniyang kagandahang-loob ay magpakailan man.