21. Iyong sinaway ang mga palalong sinumpa, na nagsisihiwalay sa iyong mga utos.
22. Alisin mo sa akin ang kadustaan at kakutyaan; sapagka't iningatan ko ang iyong mga patotoo.
23. Mga pangulo naman ay nagsiupo, at naguusap ng laban sa akin; nguni't ang lingkod mo'y nagbulay sa iyong mga palatuntunan.
24. Ang mga patotoo mo naman ay aking mga kaluguran at aking mga tagapayo.
25. Ang kaluluwa ko'y dumidikit sa alabok: buhayin mo ako ayon sa iyong salita.
26. Aking ipinahayag ang mga lakad ko, at ikaw ay sumagot sa akin: ituro mo sa akin ang mga palatuntunan mo.
27. Ipaunawa mo sa akin ang daan ng iyong mga tuntunin: sa gayo'y aking bubulayin ang iyong kagilagilalas na mga gawa.
28. Ang kaluluwa ko'y natutunaw sa kabigatan ng loob: iyong palakasin ako ayon sa iyong salita.
29. Ilayo mo sa akin ang daan ng kasinungalingan: at ipagkaloob mo sa aking may pagbibiyaya ang iyong kautusan.
30. Aking pinili ang daan ng pagtatapat: ang mga kahatulan mo'y inilagay ko sa harap ko.