Mga Awit 107:30-43 Ang Biblia (TLAB)

30. Nang magkagayo'y natutuwa sila, dahil sa sila'y tiwasay. Sa gayo'y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin.

31. Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!

32. Ibunyi rin naman nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa upuan ng mga matanda.

33. Kaniyang pinapagiging ilang ang mga ilog, at uhaw na lupa ang mga bukal:

34. Na maalat na ilang ang mainam na lupain, dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon.

35. Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain.

36. At kaniyang pinatatahan doon ang gutom, upang makapaghanda sila ng bayang tahanan;

37. At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga bunga na pakinabang.

38. Kaniya namang pinagpapala sila, na anopa't sila'y lubhang nagsisidami; at hindi tinitiis na ang kanilang kawan ay magkulang.

39. Muli, sila'y nakulangan at nahapay sa kapighatian, kabagabagan, at kahirapan.

40. Kaniyang ibinubugso ang kadustaan sa mga pangulo, at kaniyang pinagagala sila sa ilang na walang lansangan.

41. Gayon ma'y iniuupo niya sa mataas ang mapagkailangan mula sa kadalamhatian, at ginagawan siya ng mga angkan na parang kawan.

42. Makikita ng matuwid, at matutuwa; at titikumin ng lahat ng kasamaan ang kaniyang bibig.

43. Kung sino ang pantas ay magbulay sa mga bagay na ito, at kanilang magugunita ang mga kagandahang-loob ng Panginoon.

Mga Awit 107