Mga Awit 107:22-37 Ang Biblia (TLAB)

22. At mangaghandog sila ng mga hain na pasalamat, at ipahayag ang kaniyang mga gawa na may awitan.

23. Silang nagsisibaba sa dagat sa mga sasakyan, na nangangalakal sa mga malawak na tubig;

24. Ang mga ito'y nangakakakita ng mga gawa ng Panginoon, at ng kaniyang mga kababalaghan sa kalaliman.

25. Sapagka't siya'y naguutos, at nagpapaunos, na nagbabangon ng mga alon niyaon.

26. Nagsisitaas sa mga langit, nagsisibaba uli sa mga kalaliman: ang kanilang kaluluwa ay natutunaw dahil sa kabagabagan.

27. Sila'y hahampashampas na paroo't parito, at gigiraygiray na parang lasing, at ang kanilang karunungan ay nawala.

28. Nang magkagayo'y nagsidaing sila sa Panginoon sa kanilang kabagabagan, at inilabas niya sila sa kanilang kahirapan.

29. Kaniyang pinahihimpil ang bagyo, na anopa't ang mga alon niyaon ay nagsisitahimik.

30. Nang magkagayo'y natutuwa sila, dahil sa sila'y tiwasay. Sa gayo'y kaniyang dinadala sila sa daongang kanilang ibigin.

31. Oh purihin ng mga tao ang Panginoon dahil sa kaniyang kagandahang-loob, at dahil sa kaniyang kagilagilalas na mga gawa sa mga anak ng mga tao!

32. Ibunyi rin naman nila siya sa kapulungan ng bayan, at purihin siya sa upuan ng mga matanda.

33. Kaniyang pinapagiging ilang ang mga ilog, at uhaw na lupa ang mga bukal:

34. Na maalat na ilang ang mainam na lupain, dahil sa kasamaan nila na nagsisitahan doon.

35. Kaniyang pinapagiging lawa ng mga tubig ang ilang, at mga bukal ang tuyong lupain.

36. At kaniyang pinatatahan doon ang gutom, upang makapaghanda sila ng bayang tahanan;

37. At maghasik sa mga bukid, at magtanim ng mga ubasan, at magtamo ng mga bunga na pakinabang.

Mga Awit 107