2. Sinong makapagbabadya ng mga makapangyarihang gawa ng Panginoon, o makapagpapakilala ng buo niyang kapurihan?
3. Mapalad silang nangagiingat ng kahatulan, at siyang gumagawa ng katuwiran sa buong panahon.
4. Alalahanin mo ako, Oh Panginoon, ng lingap na iyong ipinagkaloob sa iyong bayan; Oh dalawin mo ako ng iyong pagliligtas:
5. Upang makita ko ang kaginhawahan ng iyong hirang, upang ako'y magalak sa kasayahan ng iyong bansa, upang ako'y lumuwalhati na kasama ng iyong mana.
6. Kami ay nangagkasala na kasama ng aming mga magulang, kami ay nangakagawa ng kasamaan, kami ay nagsigawa ng masama.
7. Hindi naunawa ng aming mga magulang ang iyong mga kababalaghan sa Egipto; hindi nila inalaala ang karamihan ng iyong mga kagandahang-loob, kundi naging mapanghimagsik sa dagat, sa makatuwid baga'y sa Dagat na Mapula.
8. Gayon ma'y iniligtas niya sila dahil sa kaniyang pangalan, upang kaniyang maipabatid ang kaniyang matibay na kapangyarihan.
9. Kaniyang sinaway naman ang Dagat na Mapula, at natuyo: sa gayo'y pinatnubayan niya sila sa mga kalaliman, na parang ilang.
10. At iniligtas niya sila sa kamay ng nangagtatanim sa kanila, at tinubos niya sila sa kamay ng kaaway.
11. At tinabunan ng tubig ang kanilang mga kaaway: walang nalabi sa kanila kahit isa.
12. Nang magkagayo'y sinampalatayanan nila ang kaniyang mga salita; inawit nila ang kaniyang kapurihan.
13. Nilimot nilang madali ang kaniyang mga gawa; hindi sila naghintay sa kaniyang payo:
14. Kundi nagnais ng di kawasa sa ilang, at tinukso ang Dios sa ilang.
15. At binigyan niya sila ng kanilang hiling; nguni't pinangayayat ang kanilang kaluluwa.
16. Kanilang pinanaghilian naman si Moises sa kampamento, at si Aaron na banal ng Panginoon.
17. Ang lupa ay bumuka, at nilamon si Dathan, at tinakpan ang pulutong ni Abiram.
18. At apoy ay nagningas sa kanilang pulutong; sinunog ng liyab ang mga masama,
19. Sila'y nagsigawa ng guya sa Horeb, at nagsisamba sa larawang binubo.
20. Ganito nila pinapagbago ang kanilang kaluwalhatian sa wangis ng baka na kumakain ng damo.
21. Nilimot nila ang Dios na kanilang tagapagligtas, na gumawa ng mga dakilang bagay sa Egipto;