Mga Awit 105:5-21 Ang Biblia (TLAB)

5. Alalahanin ninyo ang kaniyang kagilagilalas na mga gawa na kaniyang ginawa: ang kaniyang mga kababalaghan at ang mga kahatulan ng kaniyang bibig;

6. Oh ninyong binhi ni Abraham na kaniyang lingkod, ninyong mga anak ni Jacob, na kaniyang mga hirang.

7. Siya ang Panginoon nating Dios: ang kaniyang mga kahatulan ay nangasa buong lupa.

8. Kaniyang inalaala ang kaniyang tipan magpakailan man, ang salita na kaniyang iniutos sa libong sali't saling lahi;

9. Ang tipan na kaniyang ginawa kay Abraham, at ang kaniyang sumpa kay Isaac;

10. At pinagtibay yaon kay Jacob na pinakapalatuntunan, sa Israel na pinakawalang hanggang tipan:

11. Na sinasabi, sa iyo'y ibibigay ko ang lupain ng Canaan, ang kapalaran na iyong mana;

12. Nang sila'y kaunti lamang tao sa bilang; Oo, totoong kaunti, at nangakikipamayan doon;

13. At sila'y nagsiyaon sa bansa at bansa, mula sa isang kaharian hanggang sa ibang bayan.

14. Hindi niya tiniis ang sinomang tao na gawan sila ng kamalian; Oo, kaniyang sinaway ang mga hari dahil sa kanila;

15. Na sinasabi, Huwag ninyong galawin ang mga pinahiran ko ng langis. At huwag ninyong gawan ng masama ang mga propeta ko.

16. At siya'y nagdala ng kagutom sa lupain; kaniyang binali ang buong tukod ng tinapay.

17. Siya'y nagsugo ng isang lalake sa unahan nila; si Jose ay naipagbiling pinakaalipin:

18. Ang kaniyang mga paa ay sinaktan nila ng mga pangpangaw; siya'y nalagay sa mga tanikalang bakal:

19. Hanggang sa panahon na nangyari ang kaniyang salita; tinikman siya ng salita ng Panginoon.

20. Ang hari ay nagsugo, at pinawalan siya; sa makatuwid baga'y ang pinuno ng mga bayan, at pinalaya niya siya.

21. Ginawa niya siyang panginoon sa kaniyang bahay, at pinuno sa lahat niyang pag-aari:

Mga Awit 105