Mga Awit 104:1-18 Ang Biblia (TLAB)

1. Purihin mo ang Panginoon, Oh kaluluwa ko. Oh Panginoon kong Dios ikaw ay totoong dakila; ikaw ay nabibihisan ng karangalan at kamahalan.

2. Na siyang nagbabalot sa iyo ng liwanag na parang bihisan; na siyang naguunat ng mga langit na parang tabing:

3. Na siyang naglalagay ng mga tahilan ng kaniyang mga silid sa tubig; na siyang gumagawa sa mga alapaap na kaniyang karro; na siyang lumalakad sa mga pakpak ng hangin:

4. Na siyang gumagawa sa mga hangin na mga sugo niya; ang kaniyang mga tagapangasiwa ay alab ng apoy:

5. Na siyang naglagay ng mga patibayan ng lupa, upang huwag makilos magpakailan man,

6. Iyong tinakpan ng kalaliman na tila isang bihisan; ang tubig ay tumatayo sa itaas ng mga bundok.

7. Sa iyong pagsaway sila'y nagsitakas; sa hugong ng iyong kulog ay nagmadaling nagsialis sila;

8. Sila'y nagsiahon sa mga bundok, sila'y nagsilusong sa mga libis, sa dako mong itinatag ukol sa kanila.

9. Ikaw ay naglagay ng hangganan upang sila'y huwag makaraan; upang sila'y huwag magsibalik na tumakip sa lupa.

10. Siya'y nagsusugo ng mga bukal sa mga libis; nagsisiagos sa gitna ng mga bundok:

11. Sila'y nagpapainom sa bawa't hayop sa parang; nangagpapatid-uhaw ang mga mailap na asno.

12. Sa tabi nila ay nagkaroon ng kanilang tahanan ang mga ibon sa himpapawid, sila'y nagsisiawit sa mga sanga.

13. Kaniyang dinidilig ang mga bundok mula sa kaniyang mga silid: ang lupa'y busog sa bunga ng iyong mga gawa.

14. Kaniyang pinatutubo ang damo para sa mga hayop, at ang gugulayin sa paglilingkod sa tao: upang siya'y maglabas ng pagkain sa lupa:

15. At ng alak na nagpapasaya sa puso ng tao, at ng langis upang pasilangin ang kaniyang mukha, at ng tinapay na nagpapalakas ng puso ng tao.

16. Ang mga punong kahoy ng Panginoon ay busog; ang mga sedro sa Libano, na kaniyang itinanim;

17. Na pinamumugaran ng mga ibon: tungkol sa tagak, ang mga puno ng abeto ay kaniyang bahay.

18. Ang mga mataas na bundok ay para sa mga mailap na kambing; ang mga malalaking bato ay kanlungan ng mga coneho.

Mga Awit 104